bridge,

Literary: Ahon

4/28/2018 09:23:00 PM Media Center 0 Comments





Walang katapusang asul
Ang tanging namamataan.
Palutang-lutang lamang
Sa gitna ng kawalan.
Dama ang hapdi ng araw
Na mula sa mga alapaap
At malayelong lamig ng dagat
Sa katawan ko’y umaakap.

Samu’t saring pangangamba,
Sa isip ko’y bumabalot.
Hindi malaman ang gagawi’t
Nilalamon na ng takot.
Na baka langit ay lumuha,
At sa aki’y may biglang kumuha.
O mula sa mga misteryo sa ilalim,
Na bigla na lamang hihila sa akin.
Katawan ko’y bumibigat
Paghinga ko’y bumibilis
Mga mata ay umiiyak
Paghihirap ay ‘di na matiis.

Nang malapit nang bumigay
Ang dagat ay pinagmasdan
Kumalma ang sarili
At saka naliwanagan
Mga iniisip ay inayos
At sitwasyo’y pinag-isipan
Utak ay pinauna’t ginamit
Takot ay pilit pinangibabawan.

Katawan ay inilubog
Mga pangamba’y di ininda,
Ang kagustuhang mabuhay
Ang tangi kong inuna.
Patuloy na lumalangoy
Sa kabila ng alon
Patuloy lamang lalangoy
Dahil kailangang umahon.

You Might Also Like

0 comments: