filipino,

Literary: Sandaang Liham

4/28/2018 07:39:00 PM Media Center 0 Comments





Ipinapangako ko,
Patuloy akong susulat,
Para sa ’yo.

Hindi ko iindahin ang ngalay,
Pipilitin kong hindi mapagod lalo na ang aking mga kamay.
Sisiguraduhing pareho pa rin ang bawat kumpas ng panulat.
Sisiguraduhing ang mga salita’y alay pa rin sa ‘yo lahat.

Di magsasawang isobre ang mga ito,
Itupi at selyuhan para pa rin sa ‘yo.
Lagdaan at pagkatapos ay ilagay ang iyong ngalan
Para di maligaw ang aking pinaghirapan.

Dahil ipinapangako ko,
Patuloy akong susulat,
Para sa ’yo.

Kahit ngayon na wala nang bumabalik sa akin
Di tulad ng dati na may sagot at lagda mo rin
Kahit na pang-isang daan at anim na ang liham na ito
Tinitiyak ko na hindi rito hihinto.

Dahil kahit na kahon na lamang ang aking sinusulatan,
Kahit minsa’y ramdam ko ang pagkamanhid dahil sa katandaan,
Kahit na minsa’y sulat ko ay di na pantay,
Ipagpapatuloy ko ito hanggang sa ako’y nabubuhay.

Dahil walang hanggan ang aking nadarama
Kahit na ikaw ay nasa langit na
Ipinapangako ko,
Patuloy akong susulat,
Para sa ’yo.

You Might Also Like

0 comments: