filipino,

Literary: Hanggang Ngayon

11/10/2017 08:42:00 PM Media Center 0 Comments





Sa totoo lang, ano ba talaga ang nagbago
Sa buhay at kalagayan nating mga Pilipino?
Sa ilalim ng sagisag na asul, puti’t pula,
Sa mata ng makapangyarihan, sino ba ang mahalaga?

Halata naman sa kalagayan ng ating nasyon
Na hindi pa tunay na nawawala ang korapsyon
At halata pa rin sa ating ekonomiya
Ang tira-tirang epekto ng dating diktadurya

Mula panahon ng Espanya hanggang Modern Era
Ang umasenso ay ang may pera at ‘di ang masa
Nakaupo sa matataas na pwesto ang makapangyarihan
Nagiging boses ng taong 'di nila pinapakinggan

Sa ngayon magkalaban pati magkababayan
Nagsisiraan imbis na magtulungan
Sinasabing nababawasan ang problema
Pero ni isa walang maipahayag na pruweba

Ang mga dapat namang magsilbi sa bayan
Ay nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan
‘Pag eleksyon ay puro na lang pangako
Pero wala nang ginagawa pag-upo sa puwesto

Parang paulit-ulit na lamang sila
Mayayaman sa taas, mahihirap sa baba
Nalulunod ang ating bansa sa kumunoy ng karalitaan
Baon na nga sa utang, laganap pa ang kahirapan

‘Wag nang pasikot-sikot at ‘wag nang patagalin
Ang pagtupad sa ating mga responsibilidad at tungkulin
Para maiahon sa kahirapan ang kapwa't bansa natin
At wasakin ang mga kadenang nakagapos sa atin

Walang sariling adyenda, walang tagong mga balak
Magawa na sana bago magkawatak-watak
Ang Inang Bayan na dating ipinaglalaban
Para ang kabataa’y makatikim ng tunay na kalayaan

You Might Also Like

0 comments: