bridge,

Literary: Pagpapasko sa Amin

11/29/2017 08:35:00 PM Media Center 0 Comments




Pagbibigay
Nandito na ang malaking biyaya ng Pasko!
Tuloy na tuloy na ang selebrasyong ito
Nakatanggap na ng bonus ang ama ko
Matutustusan na rin ang aming mga gusto

Pamimili
Mabibili na ang laruang robot na minimithi
Maibibigay na rin ang sapatos na hinihingi
Kumukutitap na presyo sa’ming mga mata
Bibili nang bibili hanggang mabutas ang bulsa

Pagbabakasyon
Sa pagdating ng mahabang bakasyon
Sa mall lang matatagpuan ang aming lokasyon
Kakain at gagastos sa kung saan-saan
Mahalaga lang naman’y kami’y masiyahan

Panreregalo
Maghahanap ng panregalo ang aking ina
Ibibigay niya ‘to sa lahat ng kanyang kakilala
Bobonggahan ang bigay kung para sa pamilya
At mumurahin lang kung para sa iba

Pagsasama-sama
Mas masaya ang selebrasyon kung kumpleto
Kaya lahat ng kamag-anak namin ay imbitado
Maging ang mga hindi na namin kakilala
At mga ninong at ninang na matagal nang di nakita

Pagkita
Pasko na, asan na kaya sila?
Hala! Nagtago na naman yata
Tuwing may okasyon bigla na lang silang nawawala
Ang mga hihingan dapat namin ng regalo’t pera

Pagkakaisa
Ayun! Naroon lamang pala sila
Nagsisipag-inuman kasama ni ina’t ama
Brandy, Gin at Vodka ang kanilang mga hawak
Na agad-agad naman nilang tinutungga

Paggalang
Ngunit kailangan pa rin sa kanila’y magmano
Maging magalang at mag-“po” at “opo”
Sapagkat kailangan makakuha ng aginaldo
At tumakas agad pagkatanggap nito

Pagkain
Pumunta na lang kaming mga bata sa’ming mesa
Kasama ang kalaro kong si Alyas Taba
Lamon nang lamon ‘di man lang magtitira
Para sa ibang kumakalam din ang sikmura

Pagsasaya
Agad kaming napatingin sa bandang kanan
Naroon ang mga tiya at tiyuhing nagsasayawan
Isama pa ang nasa bidyoke’t nagkakantahan
Nakakabasag-tengang mga tugtugan!

Pag-aayos
‘Di rin pala nawala ang fashion show
Magagarang damit at mamahaling sapatos itinatampok
Patok na patok sa mga mata-pobreng tao
Nagpapayabangan ng kani-kanilang luho

Pangangaroling
“Saylent nayt, huli nayt” karoling namin
Sa malaki at magarbong bahay sa may amin
Agad lumabas ang katulong, sabay abot ng sampung piso
‘Di bale nang sintunado, nabigyan naman ng aginaldo

Pagdiriwang
Nariyan na naman ang patarpaulin ni Mayor
Na nanakawin lang naman ng mga tricycle drayber
‘Eto ang tradisyong nangyayari taun-taon
Ito ang pasko ng buhay sa bayan ko.

Pagpapasko
Natapos ang gabi na pagod na ang lahat
Lustay na ang salapi, ubos na ang enerhiya
Tapos na ang pabonggahan, tapos na ang saya
Ng mga taong nagdiwang sa panandaliang ligaya.

You Might Also Like

0 comments: