bridge,

Literary: Kinahong Telebisyon

11/10/2017 08:23:00 PM Media Center 0 Comments





Pinepresenta ang bagong telenobela
Na muling ipatatangkilik sa masa
Halina’t subaybayan ang programa
Panoorin ang kanilang gasgas na istorya

Tampok ang pinakabaguhang artista
Na kinababaliwan ng mga tagahanga
Kasama’y mga batikan na sa industriya
Ngunit nasa likod lamang bilang suporta

Magsisimula sa burarang ina
Ginagawa lahat upang anak ay mawala
Mapapalitan, ipaaampon, o aagawin ng iba
Basta bata’y mahiwalay lamang sa kanya

Sa isang linggong pagpapalabas
Bida’y tatanda na rin sa wakas
Makakatagpo ang sikat na kapareha,
At ang istasyon ay kikita ng pera

Sunod ay papasok ang kontrabida
Pilit aagawan at tatarayan ang bida
Maglalaitan, magsasabunutan, at magsasampalan
Mag-aaway sa mga bagay na puno ng kababawan

‘Pag bida’y nalugmok na nang sobra-sobra
Doon biglang lilitaw ang pabaya niyang ina
Aayusan, pag-aaralin, at pagagandahin siya
Api noon at kawawa, mayaman palang eredera

Babalik ang bida at ipaghihiganti ang lahat
Sa kakontra’y makikipag-eksena’t ‘di magpapaawat
Sa kapareha’y babalik at makikipaglambingan
Ipanlulutas sa mga problema ay kanilang pagmamahalan

Ito na ang hudyat na malapit nang magtapos
Minadaling wakas upang istorya’y mairaos
Mga sunod na pangyayari ay papaspasan
Sapagkat oras na upang ito’y palitan

Sa susunod na linggo, iba na ang makikita
Panibagong palabas, panibagong mga mukha
Ngunit muling uulitin ang dating pormula
Pera-pera nga lang naman ang telenobela

You Might Also Like

0 comments: