filipino,

Literary: Sa Pagmulat

11/10/2017 09:00:00 PM Media Center 0 Comments





Sa pag-akyat ng araw sa kalangitan, imumulat ko ang aking mga mata.

Sisimulan ko ang araw nang may ngiti sa aking mga labi na dulot ng pagsasabi mo sa akin ng “Mahal na mahal kita.”

Maliligo, magbibihis, kakain, at aaalis tungo sa ating tagpuan.

Tayo’y magkikita. Ngingitian at hahagkan kita at magsisimula na ang ating usapan.

Magtatawanan at maglalambingan tayo habang patungo sa ating destinasyon. Sa ating paghihiwalay masaya tayong magpapaalam dahil batid naman nating magkikita pa tayo mamaya.

Kapag nagtagpo tayong muli, masayang pagbati ang ibibigay sa bawat isa.

Ngingitian, hahagkan kita, at magsisimula na ang usapan.

Magtatawanan at maglalambingan habang patungo sa ating destinasyon.

At sa ating paghihiwalay, masaya tayong mamamaalam sa isa’t isa dahil batid nating magkikita pa ulit tayo kinabukasan.

Tatapusin ko ang araw nang may ngiti sa aking mga labi dahil sa mga sinabi mo sa akin kanina.
Sa pag-akyat ng buwan sa kalangitan, ipipikit ko na ang aking mga mata.

At ganito muli ang eksena kinabukasan... noong akin ka pa.


Ngunit ngayon...

Sa pag-akyat ng araw sa kalangitan, imumulat ko ang aking mga mata.

Sisimulan ang araw sa pag-agos ng mga luha na dulot ng pagsasabi mo sa akin ng “Ayaw ko na.”

Maliligo, magbibihis, kakain, at pupunta sa dating tagpuan.

Tayo’y magkikita, ngunit ni ngiti o isang sulyap, walang ibibigay sa isa’t isa.

Tahimik at walang kibo habang sabay tayong patungo sa ating destinasyon.

At sa ating paghihiwalay, ‘di na tayo mag-aabala pang magpaalam dahil batid nating ‘di naman na tayo makikipagkita pa sa isa’t isa mamaya.


Subalit nagkita tayong muli.

Walang pagbati. Ni ngiti o isang sulyap, walang ibinigay sa isa’t isa.

Tahimik at walang kibo habang sabay tayong patungo sa ating destinasyon.

At sa ating paghihiwalay, ‘di na tayo nag-abala pang magpaalam dahil batid nating ‘di naman ako ang kikitain mo kinabukasan.

Tatapusin ko ang araw nang may luha sa aking mga mata na dulot ng mga sinabi mo sa akin noon.

Sa pag-akyat ng buwan sa kalangitan, ipipikit ko na ang aking namumugtong mga mata.

Pero ngayong gabi, pupunasan ko na ang aking mga luha.

Dahil sa pag-akyat ng araw sa kalangitan, imumulat ko na ang aking mga mata

nang walang tutulong luha at ‘di ka na maaalala.

You Might Also Like

0 comments: