filipino,

Literary (Submission): Wala

11/10/2017 09:47:00 PM Media Center 0 Comments





May mga bagay na araw-araw kong ginagawa.

Lagi akong umiinom ng kape sa umaga.
Lagi akong nagbabasa ng libro sa silid-aklatan tuwing tanghali.
Lagi akong nakikinig ng musika bago matulog sa gabi.

May mga bagay na lagi ko ring inaabangan sa bawat araw na magdaan.

Inaabangan ko
ang pagsikat ng araw sa umaga,
ang pagpatak ng alas-dose ng tanghali,
ang pagliwanag ng mga tala sa dilim ng gabi.

Araw-araw kong ginagawa dahil siguro'y nasanay na ako sa mga salitang lagi ko na ring naririnig at sa paulit-ulit kong tugon sa mga ito.

"Okay ka lang ba?" Oo.
"Kaya mo ‘yan!" Ako pa ba?
"Nasa isip mo lang ‘yan." Baka nga.

Mga tugon na puro kasinungalingan.

Sa bawat tanong ng "Okay ka lang ba?" ay ang pag-asang sa bawat darating na umaga ay makikita ko rin ang liwanag. Ngunit ang tanging mayroon lang ay ang pait na dala ng kape at ng aking nakaraan na patuloy kong naaalala.

Sa bawat pag-udyok ng "Kaya mo ‘yan!" ay ang hiling na sa pagsapit ng tanghali ay may makakaalala na minsan nila akong pinagkatiwalaan. Ngunit ang tanging mayroon lang ay ang paulit-ulit kong pagbabasa ng iisang libro dahil sa pangungulila sa mga alaala noong kasama ko pa kayo.

Sa bawat pagtatakang "Nasa isip mo lang ‘yan" ay ang pagtitiwala na bibigyan pa ako ng himig ng mga bituin ng lakas upang maniwalang matatapos din ito. Ngunit ang tanging mayroon lang ay ang sigaw ng katahimikan na ang tanging sinasabi ay “Pagod na ako.”

Dahil ito ang totoo.

"Okay ka lang ba?" Matagal nang hindi.
"Kaya mo ‘yan!" Paano kung hindi na?
"Nasa isip mo lang ‘yan." Sana nga.

Pagod na akong maging malungkot.
Pagod na akong maiwang mag-isa.
Pagod na akong mapagod.

Pagod na akong magsinungaling.

Pagod na ako, pero sa araw-araw na dumaraan,
Mayroon bang nakakaalam ng aking tunay na nararamdaman?

You Might Also Like

0 comments: