astraea,

Literary: Puno't Dulo

11/29/2017 09:19:00 PM Media Center 0 Comments




Ang bawat katagang nagsisimula sa salitang “huli” ay may kaakibat na katapusan
Mabigat sa damdamin ang makarinig ng mga pariralang nagsisimula sa ganito…

Huling Sayaw
Huling sayaw na ating pinaghatiang dalawa, ang siyang unang pasakit.
Tanda ko pa kung paano nagsayaw ang mga ilaw sa iyong mga mata.
Kasabay nito ang pagpintig ng aking puso sa saliw ng musika.
Ang unti-unti mong pagdiin sa aking mga bisig ang siyang naghudyat sa wakas ng kantang ating sinasayawan.

Huling Pamamaalam
Umalis ka’t lumisan habang ikinukubli ang totoo mong mga damdamin.
Inamin mong huli na ang lahat at dinala tayo nito sa huli nating pamamaalam.
Ang bawat pagpatak ng iyong luha sa sahig, tila mga karayom na sumusugat sa aking dibdib.
Ang pag-iwas sa isa’t isa ang nagtulak sa atin sa magkaibang landas.

Huling Pangako
Lumipas ang panahon, hindi rin natin natiis ang isa’t isa.
Ang muli nating pagtatagpo ay hudyat ng bagong simulang magkasama.
Kaya’t upang ‘di na maulit ang pagkakamali, ito ang huling mga pangakong aking panghahawakan:
Iyo lamang ang huling kamay na aking hahawakan at iyo lamang ang huling labing hahagkan.

Huling Pag-ibig
Ikaw ang naging dahilan sa panunumbalik ng pag-asa sa tila gumuguho kong mundo.
Hindi na sasayangin pa itong panibagong pagkakataong ibinigay sa ating dalawa.
Hindi ko maisip na sa aking kinabukasan, iba ang aking makakapiling sapagkat,
Ikaw lang, aking sinta, ang huli kong iibigin hanggang sa aking huling hininga.

Ang bawat katagang nagsisimula sa salitang”huli” ay may kaakibat na katapusan
Pero sa huli, bagong simula ang makakamtan sa katapusang may kaakibat na matamis na hinaharap.

You Might Also Like

0 comments: