aveleira,

Literary (Submission): Liham x Pagbitaw

3/17/2017 10:02:00 PM Media Center 0 Comments







Liham

Rodriguez Dam Suite 761,
Carmen 5824
Quezon City

Kalahating mundo ang ating pagitan. Magkaibang oras na pinaggagalawan.

Alam kong hindi madali para sa atin na maging malayo mula sa isa’t isa. Ngunit nais kong malaman, mayroon na bang iba? Ang mga sulat ko ba ay nababasa mo pa? Lahat ng gunita, naaalala mo pa ba?

Dahil wala nang dumating na mga rosas, magdadalawang taon na. Wala na ring sulat na dumarating kapalit ng mga ipinapadala ko sa’yo. Dumaan ang tag-lamig, sumibol ang mga bulaklak, natapos ang tag-init, at nalanta ang mga dahon, hindi ko namalayan na nalimutan ko na ring sumaya at umibig. Napalitan lahat ng takot, pangamba, duda, galit, lungkot, dahil hindi na kita maramdaman. Hindi ko na maunawaan kung mahal mo pa ba ako, o sadyang kinalimutan na ang pinagsamahan nating dalawa.

Kung nasaan ka man, marahil ay masaya ka na. At sa pag-ibig, malaya ka. Kaya hahayaan ko na lamang na dalhin ng hangin ang nilalaman ng mga liham ko sa iyo. Nagbabakasakaling makarating at malaman mo ang tunay kong nararamdaman.

Sa kabila ng hindi mo pagpaparamdam, hihintayin ko ang iyong sagot. Hihintayin ko ang iyong pagbalik.

Nagmamahal,
Iyong tala




Pagbitaw

Largo de Vaz
7020 Ilhavo

Kalahating mundo’y nilibot. Lahat ng oras inilaan.

Hirap na hirap na akong mag-isa. Nabasa ang lahat ng iyong sulat, natanggap ang lahat ng pagmamahal ngunit kailangan na kitang kalimutan. Hindi ko na kailangang isatitik pa, sa palagay ko’y sapat na ang salitang patawad upang mahinuha mo ang dahilan ng di ko pagpaparamdam.

Ayaw na kitang paghintayin pa, ubos na ang oras, patay na ang rosas. Sa bawat panahon na nagdaraan, nauubos ang parte ng puso kong sa iyo nakalaan. Bitawan mo na ako dahil pinakawalan na kita. Humanap ka na ng iba, sana’y maging masaya ka. Ang tagal kong naghintay bago ito ipadala dahil akala ko’y di ko kayang mawala ka pero mas hindi ko kaya na saktan pa.

Sana’y ‘wag mong masamain. Ngunit ngayon ay kailangan nang magwakas ang ating istorya at tuluyan nang maglayo an gating tadhana.

Nagmahal,
Iyong tala

You Might Also Like

0 comments: