crescencia,

Literary: Palaisipan x Balang-araw

3/17/2017 08:42:00 PM Media Center 0 Comments





Palaisipan

Humigit kumulang tatlong taon,
Nang muling pagtagpuin.
Di makausad, di makaahon,
Di mapigilang ika'y mahalin.

Ang mga kulot na buhok mo,
Ang nakakahawa mong ngiti,
Dahan-dahang nahulog sa’yo,
Ngunit hindi, hindi masabi.

Tinatak sa isipan,
Na sa tamang panahon na,
Ngunit di maiwasan,
Na minsa'y mawalan ng pag-asa.

Siguro nakakasawa na,
Marahil minsan oo nga,
Pero hindi talaga maari,
Pagkat 'di kaya ng sarili.

Gusto nga kasi kita,
Wala ng ibang dahilan pa
At maghihintay ako,
Maghihintay hanggang sabihin mo.

Nais marinig mula sa labi mo mismo
At sagutin ang tanong ko,

...

Gaano katagal pa nga ba?


Balang-Araw

Tama ka, tatlong taon mula noon
Nang magkita tayong dalawa
Damdami’y di na napahinahon
Puso’y biglang pumintig

Kung paanong napapatamis mo ang katahimikan
Kung paanong tumitigil ang oras sa’yo
Sa lalong pagtagal, ‘di na maintindihan
Pero may kakaiba, alam ko

Inukit sa puso,
Na sa tamang panahon pa
At sa totoo lang, talagang inisip ko—
Kailan nga ba?

Patawad, pasensya na
Hindi ko ginustong mapagod ka
Ngunit ‘di pa rin maaari
Pagkat kung anuman ito’y ‘di pa mawari

Gusto na ba kita?
Siguro? Baka?
Nakakatakot na magsalita
Kung sabihin kong oo? Kung sabihin kong hindi na?

Pero oo, inaamin ko
Umaasa akong darating ang panahon
Na masasagot kita nang matino
Sa tanong mo mula pa noon…

Walang pag-aalinlangan
Diretso kitang titingnan
Sa iyong mga mata
Na matagal ko nang kilala

At pagkatapos ng maraming taon
Na pinagduduhan natin ang isa’t isa
Sa kabila ng mga pagkakataon
Na tila wala nang pag-asa

Sa wakas, masasabi ko na sa iyong


Hindi na natin kailangang maghintay pa

You Might Also Like

0 comments: