literary,

Literary: Hindi Makatulog x Hindi Magising

3/17/2017 08:36:00 PM Media Center 0 Comments






Anong oras na pero heto pa rin ako
Gising na gising at hindi madapuan ng antok.

Anong oras na pero ito pa rin ako
Nakahiga sa kama, nakatingin sa kawalan

Sinubukang ipikit ang mga mata
Tulad ng ginawa ko noong nakita kong kasama mo siya.

Sa aking pagmulat ng mata,
Dasal ko ang iyong kaligayahan

Gusto kong mahimbing ng napakalalim
Makalimot lamang kahit sandali

Ang sabi nila, gumising raw ako sa katotohanan
Lason ang relasyon namin
At tumingin na lamang ako sa iba.

Kahit alam kong sa oras na buksan kong muli
Ang mga mata ko, ay ganoon pa rin,
Nasasaktan kahit hindi ka akin.

Kahit di ko alam kung ako’y magigising pa,
Siya pa rin ang mahal ko at hindi ikaw.

Mag-uumaga na`t nakatulala pa rin
Sa buwan maihahalintulad ang sitwasyon natin.
Nasa lupa ako at ikaw ang langit.
Kailanma’y hindi magsasama, hindi maglalapit.

Narito ako ngayon nakatanaw sa kalangitan,
Pinanonood ang araw
Kung paanong hahalik sa linya ng hangganan.
Hinahangad na ika’y tulad ng araw,
Magpaalam ka na sa iyong nararamdaman.

Siguro kasi nauunahan ako ng kaba.
Natutuod sa tuwing mapapalapit ka.
Pero kahit na malayo ang pagitan natin,
Sa panaginip tayo’y nagkakalapit din.
Hindi man totoo,
Mainam na rin dahil paggising sa umaga
May ngiti sa labi.
Nagniningning ang mga mata.

Siguro ngang hindi mo kasalanan
Ang magkagusto sa taong ‘di ka mahal.
Ayoko mang saktan ang iyong nararamdaman.
Ngunit tigilan mo na ako.
Pagkat ang panaginip ay mananatiling isang panaginip.

Alas singko na`t kailangan nang bumangon
Saka pa lamang ako dinalaw ng antok.
Huli na nang dumating,
Tulad ko na dapat noon pa sana umamin
Bago ka pa niya angkinin.
Kailangang magpatuloy.
Pero hindi ako titigil na umasa
Na tayo`y para sa isa’t isa.

Alas dose na’t kailangan ko nang matulog.
Sabihin mo nang napakasama kong tao
Sabi nila, kailangan ko nang gumising,
Na marami ang nagmamahal sa’kin
Kaya, maraming salamat sa pagmamahal mo.
Hanggang dito lang talaga ako.

You Might Also Like

0 comments: