filipino,

Literary: Kalawakan

3/02/2017 08:15:00 PM Media Center 0 Comments






Nagsimula ang lahat sa ngiti.
Bago pa matuklasan ng tao ang kakayahang ngumiti, natutuhan na niyang magmahal,
Magmahal nang higit sa kanyang kakayahan—
Tatawirin ang mga bituin sa kalawakan ng kalungkutan,
Hahabulin ang lahat ng araw sa kalawakan,
Kukupkupin ang dilim,
Pananatilihin ang liwanag na dumadaloy sa ngiting dalisay, maabot lamang ang rurok ng pag-ibig.
At nang maabot niya ang tagumpay,
Ang tao ay bibitaw–
Sa kanyang paglalakbay,
Bibitawan niya’ng lahat ng kanyang pinangarap
Pagdating niya sa rurok ng pag-ibig.

Saka dadaloy ang pait.
Saka papasok ang lungkot.
Saka siya kakainin ng tanang sakit na kanyang iniwasan, marating lamang ang tuktok,
At saka nito mapagtatanto ang pag-ibig
Dahil ang pag-ibig ay walang katapusan,
Dahil ‘yan ang kamalian ng tao—
Iniisip ang paglalakbay na wala namang patutunguhan.

Sumpa?
Maaari.
Ngunit ang emosyon ang pinakamagandang regalo para sa tao—
Ang makaramdam ng galit, sakit, saya, pagkalito at hinahon ang siyang pagtapak natin sa lupang ibabaw.

Tayo ang sangkatauhan,
Nawa'y mapagtanto mo na walang saysay ang mga bagay na may katapusan.
Dahil naglalakbay tayo, higit pa sa nais nating patunguhan -
Damhin mo ang esensya ng pagiging tao.

Pagkat tayo’y iisa sa bawat ritmo ng lungkot at ligaya.
May kasama ka sa bawat yapak at paghakbang tungo sa hinaharap –
Maaari kang maligaw.
Mawala sa daan.
Ngunit may kasama ka sa kabilang dako ng mundo kaya’t ‘wag kang susuko
At makikilala mo rin siya—
Isang kaluluwang tumatangis sa kalawakan at kosmos sa gitna ng pag-ulan ng mga bituin.
At sa oras na masilayan mo ang kanyang mata, makakaramdam ka ng isang emosyong matagal mo nang tinatakbuhan—
Ang emosyon ng pagtuklas,

Ang pag-ibig.
Dahil tayo’y iisa.

You Might Also Like

0 comments: