barcode,

Literary: Kunwari Mahal Mo Ako x Kunwari Mahal Mo Pa Ako

3/17/2017 08:29:00 PM Media Center 0 Comments





Kunwari, Mahal Mo Ako

Kunwari, mahal mo ako.

Pag magkatabi tayo, gusto mo akong ikulong sa yakap mo, at ako, hindi papayag na lumayo sa piling mo. Tuwing tanghalian, maghahanapan tayo, yayakapin mo ako sa likod, sasabay ka sa pila para makapili ng pagkaing kakainin nating dalawa, dahil gusto nating magkasama tayo. Iyon lang kasi ang oras na ibinigay sa atin para magkita.

Ako ang inaantay mo, ang sanhi ng pag-aalala mo, ang lagi mong pinapansin.

Kunwari, ako yung nasa isip mo pag magigising ka sa umaga, ako yung rason sa likod ng mga ngiti, pag-iyak, pagtawa, at ako din ang dahilan kung bakit mabilis ang tibok ng puso mo. Magkukunwari ako na ako yung dahilan kung bakit gising ka pa kahit kanina ka pa pinatutulog ng magulang mo kasi gusto mo pa akong makausap.

Kunwari, sa akin ka nagtatampo pag nawawalan ng oras para makipag-usap sa’yo kasi ang dami ng araling kailangang basahin sa panahon na hellweek.

Pero pagkatapos din naman ng linggo na iyon, magkikita uli tayo, magrereklamo ka kasi ang hirap ng pagsusulit at ang daming hinihingi sa maikling panahon.

Kunwari, mahal mo din ako.

Kunwari, ako yung iniiyakan mo sa tuwing may problema ‘tayong’ dalawa. Kunwari, hindi ka mapapagod ngumiti kahit ilang beses kong inuulit ang isang birong walang katuturan.

Pag may problema ka sa bahay, ako ang tinatakbuhan mo. Iiyak ka at ‘di bibitaw sa yakap ko dahil ayon sa’yo, sa akin lang pumapayapa ang magulo mong mundo.

Ang asaran laging tungkol sa ating dalawa, at laging magkakaroon ng rosas na tinta ang mga pisngi at dulo ng iyong tainga.

Kunwari, pag magkasama tayo yung mata mo sa akin nakatutok, nakikinig sa bawat salita ng aking kuwento. Tumatango ka habang nakatanaw sa malayo.

Pag hahawakan ko ang iyong kamay, mahigpit pa ang kapit noong una. Hanggang sa paunti-onting kakalas, at lalayo ang iyong mga daliri sa aking palad.

Bawat segundong lumipas, dadaragdagan ang pagitan sa ating dalawa hanggang sa anino mo na lang ang aking makita.

At patuloy akong hihiling, mananaginip, at lilinlangin ang sarili.

Kunwari sa pangalan ko magtatapos ang ibinubulong mong: “Mahal kita…”

Kunwari mahal mo ako, kahit hindi naman talaga.

-----

Kunwari, Mahal Mo Pa Ako

Kunwari mahal mo pa ako

Sa tuwing magkatabi tayo, gusto mong nakaikot ang mga bisig ko sa iyo, at hindi ka pipiglas dahil ayaw mong bitawan kita. Tuwing tanghalian, aabangan mo ang yakap ko sa iyo, ang pagsabay sa iyo sa pila habag binibili ang pagkain nating dalawa, dahil gusto mong ako ang iyong kasama. Ito lang kasi ang panahong mayroon tayo para magkita at magkasama.

Sana’y ako pa rin ang hinihintay mo, ang sanhi ng pag-aalala mo, ang lagi mong hinihiling.

Kunwari, ako pa rin ang iniisip mo sa umaga, ako pa rin ang rason sa iyong mga ngiti, tahimik na pag-iyak, at ang dahilan kung bakit ka umiibig. Magkukunwari ako na ako pa rin ang dahilan kung bakit sa bawat gabi ay gising ka pa rin dahil hihintay mo akong matulog. Pero dahil gusto kong kausap ka pa, aabutin tayo ng umaga.

Kunwari, nag-aalala ka pa rin sa tuwing magtatampo ako kasi hindi ka pumapayag na kausapin kita. Andami kasing kailangan ipasa sa hellweek.

Pero kapag muli tayong nagkita, sa susunod na linggo, ako naman ang pupunta sa iyo para magreklamo dahil anadaming hinihingi sa maikling panahon.

Kunwari mahal mo pa rin ako.

Kunwari, umiiyak ka pa rin sa tuwing magkaaway tayo. Kunwari, patuloy ka pa ring magbibiro para lang ako ay iyong mapangiti kahit na hindi naman ito nakakatawa.

Kapag ako ay namomroblema sa bahay, gusto kong nandiyan ka. Iiyak ako sa iyo at hihigpitan pa ang kapit sa iyo dahil ngayon hinahanap-hanap kitang muli.

Ang pang-aasar sa ating dalawa, at ang pamumula ng aking mga pisngi at mga dulo ng tainga ay aking naaalala. Nangungulila ako.

Kunwari, ipinagdarasal mo pa rin na sa’yo ako laging nakatingin, ang tainga ko ang sa iyo pa ring nakikinig. Patuloy akong makikinig, sasagot at titignan ka kahit sa malayo.

Kapag muli kong hahawakan ang iyong kamay ay wag kang bibitaw. Dahil mali ang aking naging paglayo.

Bawat minutong lumipas na ay aking pinagsisisihan lalo na ang paglayo natin sa isa’t isa hanggang noong sa anino mo na lang ang aking naaninag.

Ngayon patuloy akong babalik, magsisisi, at aasa sa pagbalik ang dating tayo.

Kunwari pangalan ko pa rin ang patuloy mong idudugtong sa “Mahal kita…”

Kunwari mahal mo pa rin ako kasi ngayon, mahal na kita.

You Might Also Like

0 comments: