literary,

Literary (Submission): Hindi x Oo

3/17/2017 09:55:00 PM Media Center 0 Comments






Hindi

Naaalala mo pa ba
Noong tinanong mo ako
Nang walang pasabi, walang dahilan:
"Mahal mo ba ako?"

Ako namang hindi nag-isip,
Hindi nagpapigil.
Sumagot nang walang duda:
"Oo."

Ngunit bakit naging ganito?
Tila sa isang iglap ay bigla na lang naglaho,
Na para bang hindi mo sinabi na ako'y mahal mo rin,
Na mananatiling mahalaga ang mga alaala natin.

Akala ko ba mahal mo ako?
'Di ba ‘pag mahal mo, ipaglalaban mo?
Hanggang sa maalala ko kung paanong nagsimula,
Na kahit mukhang imposible, mahirap.
Ay hindi ka pa rin mawawala.

Minahal mo ba talaga ako?
O sadyang madali lang ako maloko?
'Di naman ako galit.
Sana lang ay nakita kong
Ako'y iyong ipagpapalit.

Hindi mo ako minahal.
Ako'y sigurado na.
Hindi mo ako mahal.
Dahil gusto mo lang na mahalin kita.

Oo

Naalala ko pa, nakakintal dito sa aking isipan,
Pano ko naman malilimutan ang mga iyon.
Minsan na nga lang aminin ang totoong nadarama,
Sa’yo pa.

Ako naman ‘tong hindi naniwala.
Nagduda’t napaisip sa sagot mo.
Totoo nga ba ang mga sinabi mo?
Madali lang kasing sabihin na mahal mo rin ako.

Minahal kita.
Isang sugal ang pag-ibig kong ito sa iyo.
Sa dami ng taong inunahan ko para ipaglaban ang atin,
Ilang gabing iniiyakan ka,
Bawat patak ng luha na may halong pagmamahal ko sa’yo.
Ngunit di pa rin naman ako sumuko.

Anong nangyari?
Bakit tayo humantong sa ganito?

Ipinaramdam ko namang minahal kita,
Ilang taon ko rin itong pinaninidigan,
Ang hirap kasing paniwalaang mahal mo ako,
Dahil nakikita kong mas masaya ka sa iba.
Dahil naiisip kong mahirap siyang pantayan,
Paano ba naman, iniisip kong maligaya ka sa kanya.

Hindi naman sa sumusuko na ako,
Pero minsan kailangang magparaya.
Magparaya dahil mahal mo.

Kailanma’y hindi kita ipagpapalit,
Landas man nati’y maghiwalay,
Hindi man pareho ang ating patutunguhan,
Hindi mawawala ang pag-asang tayo’y magkikitang muli.
Magtatagpong muli.

Kaya,
Hanggang dito na lang muna siguro,
May distansya sa pagitan nating dalawa.
Nasusulyapan pa rin ang isa’t-isa.
Ikinasisiya na ang pagtatama ng ating mga mata.

Hanggang dito na lamang muna tayo,
Pagkakataon ito upang muling hanapin,
Nawalay na pag-ibig natin.

You Might Also Like

0 comments: