filipino,

Literary: Ang Aking Sariling Perya

2/28/2020 07:35:00 PM Media Center 0 Comments




Tuwing umuuwi na ang araw pabalik sa kalangitan, dumarating na ang buwan. Kasabay ng paglalim ng gabi ay ang pagpapahinga ng mga tao. Sa kabilang banda, sa aking madilim at maliit na kuwarto ako nakahiga at namamalaging gising kasama ang nagliliwanag na kaisipan.

Naroon akong nakasakay sa tumatakbong tsubibo na siyang pinakamaliwanag sa lahat. Kasama ng umaalingawngaw na tunog ang aking pagbabalik-tanaw sa masasaya kong alaala. Aking binabalik-balikan at inuulit-ulit na patakbuhin ang mga kabayong sakay ang mga walang hininga kong tawa, ang mga pagkakataong nakasama ko ang aking mga kaibigan, at ang panahong kumpleto pa ang aming pamilya. Ang mga pangyayaring hanggang ngayon ay nakapagdadala pa rin sa akin ng ligaya.

Kinumutan ko ang aking sarili at sa pagbaba ko ng aking maligayang tsubibo ay natanaw ko ang itim na bumper cars kong patuloy na nagkakabungguan. May pagkagulat na nadama ang aking puso. Nakikita ko ang mga bumper cars kong dala ang mga problema kong sumisigaw ng dalita sa aking pamilya, kabiguan sa pag-aaral, hindi pagkakuntento sa sarili, at toxic na pagkakaibigan. Ayaw ko nang puntahan ang ride na iyon sapagkat tanging sakit sa puso lamang ang aking aabutin.

Humarap ako sa aming kisame at napadpad ako sa aking katakot-takot na horror house na ang tema ay ang hinaharap. Madilim ito at hindi ko malaman kung ano ang sasalubong sa akin. Nanginginig ang aking mga kamay habang ako’y pumapasok dito. Samu’t sari ang mga bagay na hindi tiyak. Saan ako magkokolehiyo? Ano ang aking kukuning kurso? Saan ako magtatrabaho? Tanging malalalim na hininga na lamang ang aking maisasagot sa mga katanungang ito.

Hindi ko na naisipan pang tapusin ang horror house sapagkat hindi kinakaya ng aking isipan ngayon na alalahanin ang mga bagay na iyon. Sa pagyakap ko ng aking unan ay aking narating ang ferris wheel ko. Hindi ako binibigo ng ferris wheel na ito na tanawin ang aking buhay. Natutulungan niyang mapagtanto nang maigi ang aking buhay. Nakapagdadala ito ng malaking kaginhawaan sa aking pakiramdam. Sa patuloy na pag-akyat nito ay natatanaw ko na ang napakahaba kong roller coaster ng nakaraan. Dito ay nagkaroon ng maraming mga ups and downs, may paikot pa nga eh. Pinaaalala nito na kung kinaya kong pagdaanan ang ride na iyon ay kakayanin ko ring pagdaanan pa ang mga nalalabing ride na aking kinatatakutan.

Sa pagharap ko sa aking pader ay tumilaok na ang manok ng aming kapitbahay. Hindi ko napansing nagliliwanag na ang kalangitan at kumakaway nang muli ang araw.

Nagsimula nang mamatay ang mga ilaw ng aking sariling perya.

You Might Also Like

0 comments: