Eloisa Dufourt,

Opinion: Ang Pagbabalik ng GMRC

2/21/2020 08:05:00 PM Media Center 0 Comments



Photo Credits: Yel Brusola

Inaprubahan na sa third reading ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang House Bill No. 5829 o ang Good Manners and Right Conduct Act. Ang panukalang batas na ito ay hinggil sa pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct (GRMC) bilang isang asignatura sa mga mag-aaral mula Kinder hanggang Grado 3. Kabilang sa mga ituturo sa nasabing asignatura ang pangangalaga sa sarili, pagkakaroon ng malasakit at respeto sa ibang tao, paglinang ng katapatan, pagiging masunurin, at ang pagkakaroon ng pag-ibig sa sariling bansa.

“Siyempre, kailangan nating turuan ang mga batang magbasa, pero mas titimo sa utak nila kung ano ‘yung tamang attitude, tamang manners. ‘Yung pagmamahal sa bansa, sa kapwa Pilipino hindi ko na siya nakikita. You cannot teach old dog new tricks,” sabi ni Atty. Claire Castro, isang corporate lawyer na nagbibigay ng payo sa masa sa programa ng DZMM na Usapang de Campanilla.

Mababatid nga sa mga kabataan ngayon ang kakulangan sa mga ito. Halimbawa na lamang ang madalang na paggamit ng ‘po’ at ‘opo’ ng mga kabataan sa pakikipag-usap sa mga mas nakatatanda sa kanila. Kapansin-pansin ding tila karamihan sa mga tao ang hindi na humihinto sa tuwing maririnig ang pambansang awit. Mula sa mga nabanggit na obserbasyon kaugnay ng mga umiiral na gawi ng nakararaming kabataan, magandang pagkakataon ang pagsusulong ng panukalang batas na ito upang maturuan ang mga kabataang magkaroon ng malalim na pagpapahalagang moral at diwang makabayan.

Sa kabilang banda, ang pagkakaroon ng GMRC ay magpapahaba sa oras ng mga mag-aaral sa paaralan. Mababawasan ang oras nila sa paggawa ng kanilang mga takdang-aralin, paglalaro, at pagpapahinga. Kung tutuusin, dapat magsimula sa tahanan pa lamang ang pagtuturo ng GMRC. Mahalagang makapaglaan ng oras ang mga magulang o tumatayong magulang ng mag-aaral sa pagtuturo ng GMRC at sila rin ang dapat na magsilbing huwaran sa paggawa upang maipamulat sa kanilang mga anak ang mga natatanging asal o gawi na humuhubog sa pagkatao.

Makatutulong din ang pagkakaroon ng integrasyon ng GMRC sa mga asignaturang itinuturo sa kasalukuyan. Makikita ngayon sa kurikulum ng grado 3 na nagtakda ang Department of Education ng mga paksang ang ituturo sa GMRC. Isang halimbawa nito ay ang pag-aaral ng mga akdang patungkol sa nasyonalismo o paggalang sa mga nakatatanda (Ang Barumbadong Bus, Ang Kaibigan Kong si Mabini, Ang Maraming Ngalan ni Emilio atbp.) sa asignaturang Filipino. Bilang karagdagan, ang pagtuturo ng ekonomiya ng mga lalawigan sa bawat rehiyon ng Pilipinas sa Araling Panlipunan ay isa sa mga makatutulong din upang maunawaan ang gawaing pangkabuhayan, ang pamahalaan, mga pinuno, at iba pa.

Mainam ang pagtuturo ng GMRC ngunit maaari na lamang natin itong paigtingin sa bawat asignatura tulad ng Filipino, Araling Panlipunan, English, Edukasyon sa Pagpapakatao (EsP) at iba pa upang maiwasan na ang pagdaragdag ng oras ng klase. Ayon sa artikulo ng Professor’s House, ang pinakamainam na bilang ng oras para sa klase ng nasa kindergarten ay 4-6 lamang. Ito ay sapagkat extremely active ang bata at hindi nito kayang umupo at magpokus nang matagal. Makatutulong din sa kanila ang kakaunting oras sa paaralan upang makapaglaan ng panahon sa kanilang pahinga at paggawa ng mga school requirements. Malaking bagay ang pagkakaroon ng integrasyon upang higit na maunawaan ng nga mag-aaral ang kahalagahan ng kanilang mga pinag-aaralan kung taglay nila ang mga tamang gawi at pananaw.

Bilang kongklusyon, maaaring mangasiwa ang DepEd mismo ng seminar para sa mga guro upang magabayan sila sa paglinang sa mga mag-aaral ng wastong pag-uugali at malalim na pagpapahalaga sa moralidad. Puwede itong pumasok sa mga talakayan at iba pang gawaing pangklase. Malaki rin ang magiging kapakinabangan kung mailalakip ito nang malinaw sa kurikulum na iniimplementa sa mga paaralan. //ni Eloisa Dufourt

You Might Also Like

0 comments: