filipino,
Literary: Takbo ng Panahon
10 taong gulang.
Bata pa lamang ako, lagi na akong dinadala ng aking ama sa lugar kung saan puno ng sayawan at kasiyahan. Tinatawag niya itong karnabal. Palaruan ng mga bata at lupa ng kaligayahan. Buhay na buhay ang paligid at ang tangi ko lamang naririnig ay tawanan at masasayang usapan. Maaari kang makipaglaro sa kahit na sinong bata na iyong makita. Puno ng mga pagkain na nakahain para sa lahat ng taong naroroon. Ang mga makikita rito ay punong-puno ng mga kulay at mapupukaw ka nang hindi mo namamalayan. Tila bang ako’y nasa isang mahiwagang panaginip na walang problemang aalahanin. Ang tanging panalangin ko lamang ay hindi na ito matapos pa.
11 taong gulang.
Takbo rito, takbo roon. Laro rito, laro roon.
“Sulitin mo ang lugar na ito habang ika’y bata pa. Pagtanda mo ay hindi mo na ito magagawa.”
Hindi ko talaga maintindihan ang bilin sa akin ng aking ama. Sinong magsasawa sa lugar na puno ng hiwaga’t saya? Sabi ko sa sarili ko, hinding-hindi ako magsasawa kahit ako’y tumanda na. Masaya kayang tumakbo sa lugar na ito kahit ako’y madapa’t masugatan pa. Sinong 'di matutuwa sa iba’t ibang kulay ng mga sasakyang inilalapit ka sa bughaw na kalangitan at mga kabayong paikot-ikot sa kanilang kaharian? Sinong 'di mapapasigaw sa barkong umaangat-baba kahit wala ito sa dagat? Lahat ng mga ito ay gumagana dahil sa mahikang taglay ng karnabal. At alam ko sa sarili kong hinding-hindi ako magsasawang maglaro sa lugar na ito.
12 taong gulang.
Ako’y nagugutom na! Kukuha lang ako ng pagkain at inumin sa mga maliliit na bahay na nakapwesto sa gilid ng karnabal. Dito pumupunta ang aking ama kapag humihingi ako ng pagkain sa kanya. May mahika ang bawat pagkain dito kaya sobrang sarap ng mga nakahain. Ang mga inumin naman ay nakatatanggal-uhaw at iba’t iba pa ang mga lasa. Ngunit bago pa man ito ibigay sa akin ng may-ari ng maliit na bahay, hiningan ako nito ng pera. Nagulat ako sa aking narinig. Hindi raw libre ang mga pagkain na nakahain kaya kailangan kong magbayad para rito. Ibig sabihin ay hindi pala ito nakahain para sa lahat ng tao na naririto sa karnabal. Nalungkot ako sa aking narinig kaya’t hinanap ko ang aking ama upang humingi ng pera upang mapawi lamang ang aking uhaw.
13 taong gulang.
Teka! Taympers! Hinihingal na ako kahit na sampung minuto pa lamang akong tumatakbo. Kumain naman ako at may maayos na tulog nung gabi. Bakit madali na akong mapagod ngayon? Magpapahinga na muna ako sa mga makukulay na bangko sa gilid ng mga basurahan. Siguro mamaya na lamang ako makikipagtakbuhan muli.
14 taong gulang.
Bakit parang dati, 'di naman ako naiingayan sa mga tao sa lugar na ito? Mas malakas na ang iyak ng mga sanggol at mga nadadapang mga bata. Mas dinig na ang mga nagsisigawang mga magulang at mas matinis na ang sipol ng hangin. Naguguluhan ako sa paligid dahil parang hindi na nagkakarinigan ang mga tao rito. Parang nais ko na lamang na tumahimik at takpan ang tainga ko.
15 taong gulang.
Gusto kong maglaro ng takbuhan ngayon! Pero bakit parang ang mga nagtatakbuhan na lamang ay mga mas bata sa akin? Naghanap ako ng kaedad ko upang yayain na maglaro ngunit ang gusto na lamang nilang gawin ay umupo sa mga bangko at pagmasdan ang paligid. Ngunit bakit 'yun ang mas pinili nila kaysa sa mga sasakyang kabayo at mga sasakyang paikot-ikot na kaya kang dalhin sa kalangitan? Hindi na ba sila natutuwa sa mahika nitong hawak? Bahala na.
16 taong gulang.
Habang ako’y nakasakay sa mga sasakyang kabayo, napansin ko na nawawala na ang mga kulay nito. Maingay na ang mga nagkikiskisang bakal na napansin kong may kalawang na. Hindi na ako natutuwa sa mabagal nitong pag-ikot. Bakit biglang bumagal ang galaw nito? Ang pagkakaalala ko ay mabilis ito nung ako’y bata pa.
17 taong gulang.
Nawawalan na ako ng ganang pumunta sa karnabal na lagi naming pinupuntahan ng aking ama. Pumupunta na lamang ako roon upang magpahangin at bumili ng pagkain. Nagsawa na ako sa mga palaruan na dati kong kinawiwilihan. 'Di ko alam pero pinagbawalan na rin akong sumakay sa mga sasakyang kabayo na naroroon. Nawawala na ang mahika ng lugar na ito. Ano ang nangyayari sa panaginip na ginagalawan ko? Reyalidad na ba ito?
18 taong gulang.
Lagi kong tinatanong sa aking sarili kung bakit tuluyan na nga akong nagising sa reyalidad. Nakawala na ako sa lugar na puno ng mahika. Unti-unti ko nang napapansin ang mga bagay na hindi ko napapansin nung ako ay bata pa. Napansin kong kupas na ang mga kulay ng mga pasilidad, nangagalawang na ang mga bakal, may salaping kapalit ang mga pagkain, at ‘di na nagtatakbuhan ang mga matatanda. Alam ko na ngayong ako’y hindi na natutuwa kapag ako’y pumupunta sa karnabal. Sa tingin ko’y kailangan ko nang magpaalam sa lugar na aking kinalakihan, dahil tumatakbo ang panahon at kailangan ko itong sundan. Ngunit iiwanan ko ito ng malaking ngiti’t pasasalamat, dahil hinubog ako ng lugar na aking pinagmulatan. Ngunit di ko kalilimutang ibaon ang mga memoryang nilikha ng mundong aking minamahal. Kaya sa muli, paalam karnabal.
0 comments: