filipino,
Literary: Sa uulitin, Elijah
“Trisha, Trisha, tara, doon tayo.”
Nakangiti niya akong hinila papalapit sa tsubibo na may mga umiikot na kabayo, napatawa ako nang mapansin kong para siyang bata. Nang makaupo na kami ay nagsimula na itong umikot. Ang mabagal na ikot ay unti-unting bumilis.
“Trisha, okay ka lang ba? Namumutla ka, teka, sasabihin ko kay kuya na itigil na yung ikot.”
“Parang mas namumutla ka pa nga kaysa sa akin e,” sabi ko na may halo ring pag-aalala pero hindi niya ako pinansin.
“Kuya! Pakitigil na po yung ikot, nahihilo na kasi ‘tong kaibigan ko,” sabi niya.
Hindi ko matanggal ang titig ko sa kanya, para siyang magnet na humihila sa akin papunta sa kanya. Sinusundan ko lang siya ng tingin, napansin ko na parang may mali sa kanya. Kinalabit niya ako kaya napabalik ako sa huwisyo.
Tatanungin ko na sana kung masama ba ang pakiramdam niya pero naumid ang dila ko nang marinig ko ang sinabi niya.
“Huy Trisha! Baba na, bakit titig na titig ka sa akin? May gusto ka yata sa ‘kin e,” sabi niya na may kasamang tawa.
Sandali akong natigilan, hindi ko alam kung bakit walang lumalabas na salita sa bibig ko, hindi naman ako ganito e. Kung 'yung noon ‘to e ‘di itinanggi ko na sana agad para hindi siya makahalata. Parang may kakaiba sa ’kin ngayon na hindi ko mapagtanto.
“Huy Trisha! Anong nangyayari sa’yo? Bakit 'di ka nagsasalita?” bakas na sa boses niya ang pag-aalala.
Saka lang ako bumalik sa katinuan.
“Ha, ano?”
“Ano ba ‘yan, lutang ka na naman, ang sabi ko, baba na,” sinabayan pa niya ng mahinang tawa.
“Hindi ko alam, pero parang ang pogi mo ngayon.”
Sandali siyang natigilan, nakita kong namula ang pisngi niya pero agad din siyang bumalik sa dati at natawa.
“‘Wag ka na nga mambola diyan. Tara, baba na,” iniabot niya ang kanyang kamay para alalayan akong bumaba.
Inabot ko ang naghihintay niyang kamay at tumalon ako para makababa pero bigla akong nawalan ng balanse kaya napayakap ako sa kanya at napayakap din siya sa akin . Sandali kaming parehas na nawalan ng kibo pero nakabawi rin agad ang aming mga sarili.
“Okay ka lang ba talaga? Nahihilo ka pa yata,” sabi niya nang may pag-aalala.
“Oo, okay lang ako, gutom lang 'to.’”
“Ah gano'n ba, e 'di tara, doon tayo sa may mga nagtitinda ng pagkain.”
Tahimik kaming naglalakad papunta sa mga kainan. Napansin kong wala masyadong tao sa nilalakaran namin, masyadong tahimik.
“Elijah, paano 'pag sinabi kong may gusto ako sa’yo?" bigla na lang lumabas sa aking bibig ang mga salitang iyon.
Ha? Nababaliw na 'ata ako, ba’t ko nasabi ‘yon?!
Nakita kong nagulat siya, ganoon rin naman ako sa aking sarili, pero hindi ko binawi ang aking sinabi. Ipinakita kong naghihintay ako ng sagot mula sa kanya.
Dahil nasabi ko na, wala nang bawian.
“Ha? Joke ba ‘yan?” tanong niya pa, sabay tawa.
Pati ba naman pagmamahal, joke na lang ngayon.
Hindi ako sumagot. Parang may kumurot sa puso ko, ang sakit.
Siya ay naging seryoso nang matagal akong hindi nagsalita. Tumigil kami sa paglalakad. Humarap siya sa akin at ganoon din ako sa kanya. Tumitig siya sa akin at nagkatinginan ang aming mga mata. Kumabog nang malakas ang aking puso at lalong bumilis ang tibok nito.
“Alam mong hindi pwede iyon, may iba na akong gusto,” seryoso niyang sabi.
“Bakit hindi ba pwedeng magkagusto sa’yo kahit may iba kang gusto? Hindi mo naman desisyon na magkagusto ako sa'yo dahil desisyon ko 'yon,” naiinis kong sabi.
Natahimik siya.
“Alam mo Trisha, gutom lang ‘yan, tara na, doon na tayo sa mga pagkain,” hinila niya ako para maglakad ulit.
Binawi ko ang aking kamay hanggang sa mabitiwan niya ang kamay ko. Tumigil ako sa paglalakad at ganoon din siya. Nang lumingon siya sa akin ay halata ang gulat sa mukha niya.
Hindi ko napigilan ang aking mga luha hanggang sa tuluyan na nga itong bumagsak.
Hindi ko maintindihan ang aking sarili. Feeling ko, itong lakas ng loob ko ngayon ay hudyat na talaga para aminin ko ang matagal ko nang nararamdaman para sa kanya.
“Seryoso ako Elijah,” sabi kong nanginginig ang boses.
Nasabi ko na, wala nang bawian.
“I’m sorry, Trisha, pero may gusto na akong iba.”
Hindi na ako umimik pa. Pinunasan ko ang mga luha ko. Huminga ako nang malalim sabay tingin sa madilim na langit.
“Alam mo Elijah, pagod lang 'to. Sige na, uuwi na ako,” paalam ko sa kanya at ako’y naglakad na paalis.
Umasa akong pipigilan niya ako pero hindi niya ito ginawa.
Nakarating ako sa isang madilim na lugar kung saan wala masyadong tao, kung saan pwede kong iiyak ang lahat.
Parang mula sa bukas na gripo, sunod-sunod na tumulo ang mga luha kong hindi mapigilan.
“Ang sakit, ang sakit-sakit,” sambit ko sabay hawak sa dibdib ko kung nasaan ang puso ko na hanggang ngayon ay kumikirot pa rin.
Iyon ang unang beses na umiyak ako nang todo at iyon na rin ang huli naming pagkikita ni Elijah.
Kanina pa ako rito sa amusement park kung saan kami huling nagkita ni Elijah, dito ako dinala ng aking mga paa matapos kong malaman ang katotohanan. Para akong baliw na nakatitig lang sa kawalan.
Bigla akong nanumbalik sa realidad nang mabangga ako ng isang bata, saka ko napansin na masyado na pala akong napalapit sa tsubibo.
Hindi ko maiwasang maalala ang huli naming pagkikita ni Elijah nang makita ko ang tsubibo kung saan ko siya huling masayang nakasama. Parang isang malakas na ulan, tuloy-tuloy at walang tigil na bumuhos sa akin ang masakit na alaalang iyon.
Hawak-hawak ko ngayon ang sulat ni Elijah para sa akin--sulat na naglalaman ng kanyang pag-amin...
Dear Trisha,
Masakit para sa akin na magsinungaling. Ang totoo ay mahal na mahal kita. Naaalala ko noon, nahulog ako sa puno tas nagkaroon ako ng malaking sugat sa tuhod. Sa lahat ng kalaro natin, ikaw yung pinakaunang tumakbo papalapit sa’kin, hindi ko malilimutan yung pag-aalala mo, yung pagtatanong mo kung okay lang ba ako. Bata palang tayo noon pero alam kong iyon ang naging simula para mahulog ako sa’yo, hanggang sa araw-araw iniisip na kita, na gusto kitang laging makasama. Yung mga maliliit na bagay napapansin ko, sa pagtawa mo, sa paghawi mo ng iyong buhok, sa bawat galaw mo, lalo akong nahuhulog sa’yo. Araw-araw lagi mong pinapatibok nang mabilis ang puso ko, umabot na ako sa punto na gusto kong umamin sa’yo pero lagi akong napanghihinaan ng loob. Kaya sobra akong natuwa nung malaman kong mahal mo rin ako pero hindi nawala sa akin ang lungkot at pangamba.
Nagpanggap akong may iba akong gusto dahil sa oras na sabihin ko sa'yo na mahal din kita at kung maging tayo man ay mas masasaktan ka lamang sa huli dahil darating ang panahon na tuluyan na akong mawawala at hindi ka makakasama. Matagal na akong may sakit at binigyan na ako ng taning. Lahat ng iyon ay itinago ko sa iyo dahil ayaw kitang masaktan.
Alam kong sa oras na mabasa mo 'to ay wala na ako. Sana’y maging masaya ka kahit wala na ako sa tabi mo. At sorry dahil nasaktan kita... Ayaw ko lang na mas masaktan ka pa kapag wala na ako. Mas okay na yung galit ka sa akin kasi 'di ko sinabi 'yung totoo. Mami-miss ko ‘yang mga ngiti at tawa mong nakakahawa, ang ilan sa mga dahilan kung bakit nahulog ako sa’yo. Kahit na medyo masakit 'yung huli nating pagsasama sa amusement park, tandaan mong mas marami tayong masasayang memories do'n.
Mahal na mahal kita Trisha. Paalam.
P.S. Wag ka masyadong umiyak, ayaw kong makita kang nasasaktan.
Hindi ko napansing tumutulo na naman ang aking luha hanggang sa nanlabo na ang aking paningin. Napahagulgol ako na parang bata kaya’t pinagtinginan ako ng maraming tao. May lumapit sa akin para tanungin kung ayos lang ba ako pero hindi ko siya pinansin.
Pinunasan ko ang aking luha at tuluyan nang umalis sa kinaroroonan ko. Halo-halo ang nararamdaman ko — pagsisisi, galit, at lungkot. Pagsisisi dahil hindi ko siya nasamahan sa mga huling sandali niya. Galit sa aking sarili, dahil hindi ko man lang napansin na sa mga oras na magkasama kami noon ay may sakit na pala siya, na masyado akong napangunahan ng emosyon ko. Lungkot dahil wala na siya, ang nagpapasaya sa akin, ang nasasabihan ko ng aking mga problema.
Tuloy-tuloy akong naglakad hanggang sa marating ko ang exit ng amusement park. Nang makalabas ako ay tiningnan ko ang lugar para sa huling beses dahil hindi ko alam kung babalik pa ba ako rito. Alam kong marami kaming masasayang alaala rito pero mas nangingibabaw pa rin ang sakit na nararamdaman ko.
Saka na ako babalik 'pag alam kong kaya ko na.
Tuluyan na akong naglakad papalayo sa amusement park, dala-dala ang sakit na hindi mawala-wala.
0 comments: