Eunoia,
Literary: Sa paglipas ng panahon
Sa pitong taong namalagi ako rito sa ating eskwelahan, ngayong taon lang kita nakilala. Hindi kasi ako magaling sa pagpapakilala at pakikipagkaibigan, kaya kahit pitong taon na kitang ka-batch ay hindi kita kailanman nakilala at nakausap. Nagulat na lamang ako na pagpasok ng bagong akademikong taon na ito ay may bagong mukha akong makikita sa silid-aralan. Ang katangi-tangi pa roon ay nakatabi pa kita dahil random naman ang pagkakaupo natin sa mga silya.
Hindi ako katulad ng mga kaibigan kong sina John at Nilo na buo ang loob at hindi nahihiyang makipagkaibigan. Mas gugustuhin ko pang manatili lang sa tabi at pagmasdan ang mga tao habang hinihintay na sila ang lumapit sa akin. Ngunit mukhang kabaliktaran ka naman, dahil sa tatlumpung minuto mula noong nakapasok ako sa silid ay napagmasdan kong ikaw ang tipo ng taong palakaibigan at hindi mahiyain. Kakatitig sa iyo ay nagulat na lamang ako nang lumapit sa akin ang dalawa kong kaibigan at itinuro ka.
“Pre, kita mo ‘yang kausap ni Aina ngayon? ‘Yan si Alex. Naging kaklase ko na ‘yan isang beses,” sabi ni John nang nakatingin sa iyo. Alex pala ang pangalan mo.
“Ang bait, ‘no? Kanina pa ‘yan lapit nang lapit sa mga ngayon niya lang naging kaklase. Lalapit kaya ‘yan sa’yo?” tanong naman ni Nilo at hinarap ako. Umiling ako, panigurado kasing hindi ka na lalapit sa akin dahil hindi naman ako mukhang interesadong makipagkaibigan. Ngunit nagkamali ako, dahil matapos mong kausapin si Aina ay naglakad ka patungo sa amin. Tinulak naman ako ni Nilo.
“Ayan na pre, sabi sa’yo e, papalapit na!” aniya. Nanginig ang aking mga binti nang makita kong nakatitig ka sa akin habang naglalakad. Nais ko sanang umiwas ngunit huli na dahil nakarating ka na sa harap namin.
“Ako nga pala si Alex. Kayo? Anong pangalan ninyo?” iyong pagbati. Tumayo naman ako at pumunta sa may likuran ni Nilo habang nakangiti siya sa iyo.
“Ako si Nilo, ito naman ang mga kaibigan kong si John,” turo niya kay John, “at ito naman si Jaime,” aniya habang tinulak ako papunta sa harap niya. Inabot mo ang iyong kamay sa amin isa-isa at tinanggap naman ni John at Nilo ‘yun, ngunit nang ako na ang abutan mo ng kamay ay napatitig na lang ako rito dahil nahiya akong abutin ito. Mabuti na lang at kinalabit ako ni John, kaya inabot ko ito habang naiilang na ngumiti.
“Ngayon ko lamang kayo nakita, maliban dito kay John. Maingay ‘to e, naging kaklase ko na. Nice to meet you!” tugon mo. Ngumiti naman kami nang hilaw sa iyo at umupo na sa aming mga upuan, kaso oo nga pala, katabi nga pala kita rito. Nakita kong umupo ka na rin sa iyong upuan at humarap sa akin.
“Hindi ka palasalita, Jaime ‘no? Ano ba ‘yan, hindi pa naman ako sanay na hindi nakikipagkwentuhan sa klase. Daldalin mo naman ako!” sabi mo at tinulak pa nang bahagya ang aking braso bago tumawa. Nagtaka ako dahil kung umasta ka e para bang close na tayo, pero sinagot naman kita.
“Ah, oo. Ikaw na lang, wala rin naman akong makwento,” sagot ko. Ngumiwi ka at nag-astang nagtatampo, nakita kong may sasabihin ka pa sana ngunit bumukas na ang pinto ng silid, senyales ng pagpasok ng ating guro at pagsimula ng klase, kaya naman sinara mo na lang ang bibig mo. Natawa naman ako sa isip ko nang makita ko ang reaksyon mong ‘yan.
Hindi nagtagal ay nagsimula na nga ang pagturo ng guro kaya nanahimik ka na, ngunit mukhang kating-kati ka na magsalita kaya kinausap kita.
“Bakit hindi ka mapakali?” tanong ko. Nagulat ka naman sa aking pagsasalita kaya inasar mo ako.
“Wow! Nagsisimula ka rin pala ng kuwentuhan ano?” puna mo. Natawa naman ako nang bahagya.
“Hindi ito kuwentuhan, tinanong lang kita dahil nadi-distract na ako sa kalikutan ng mga kamay mo at katawan mo, dahil nga hindi ka mapakali,” sagot ko. Nakita kong nagtaka ka sa sinabi ko, at inasar na naman ako.
“Ikaw ha? Pinapansin mo kilos ko ah? Trip mo ako ‘no? Ayieee-” naputol ang kaniyang pang-aasar nang tinawag siya ng aming guro.
“Alex, anak, ano ‘yang pinag-uusapan niyo ni Jaime?” tanong ni Miss. Napatungo naman ako at pinakinggan na lamang ang sagot ni Alex.
“Miss, wala po. Tinatanong ko lang po siya tungkol sa nabanggit mong term kanina,” hindi na siya sinagot ni Miss at nagpatuloy na sa pagtuturo.
“Ano ba naman ‘yan, masisita pa ako nito eh. Hindi na nga kita kakausapin,” tugon mo at nang lumingon ako sa’yo ay nakangisi ka pa rin, “Char! Ito naman, sinabi ko lang na hindi kita kakausapin, napatingin ka agad? Napaghahalataan ka e, ikaw ha,” pang-aasar mo sa akin at saka tumawa nang tahimik. Naramdaman ko naman ang kilabot sa aking balat nang makita kitang tumatawa. Binalewala ko na lamang ito at nakinig na lang sa guro. Nang matapos ang klase ay tumayo na ako at sinalubong ang aking mga kaibigan papalabas ng silid, habang ika’y nag-aayos pa rin ng gamit.
Araw-araw ay ganito ang eksena. Papasok ako nang maaga at uupo lang sa aking upuan hanggang sa dumating na kayong lahat, pati ang guro. Paminsan-minsa’y inaasar mo ako at kinukulit habang klase at tatawa nang tatawa, ngunit hindi ko na rin naman gaano pinapansin dahil hindi ko alam kung anong isasagot ko, lalo na tuwing ang kinukwento mo ay ‘yung mga karanasan mo kasama ang iyong mga kaibigan at ang mga problema mo sa buhay. Minsa’y tinatawanan ko naman ang iyong mga kwento at puna, minsan di’y may naikukwento naman ako pabalik at ikaw naman ang may reaksyon, ngunit kadalasan ay hindi na lang ako kumikibo kaya mananahimik ka na ulit kahit ayaw mo.
Araw-araw ganito ang eksena. Sina John at Nilo pa rin ang aking kasama, at iba-iba naman ang kasama mo. Minsan nga’y nakita pa kita sa kabilang silid, sa ibang section, kausap ang iba nating ka-batch. Kapansin-pansin palagi ang saya sa iyong mukha sa tuwing mayroon kang kawentuhan. Palakas nang palakas ang iyong halakhak habang dumarami ang iyong nakakakwentuhan, at tulad noong unang araw ng klase, nararamdaman ko ang panginginig, pagpapawis, at pangingilabot ng aking balat sa tuwing makikita kitang ganoon kasaya at ganoon kaganda tumawa at ngumiti. Hindi ko na lang pinapansin, ngunit nakapagtataka bakit ganoon, eh wala naman akong pakialam sa iyo, at hindi naman tayo malapit na magkaibigan. Araw-araw kong nararamdaman ‘yun.
Tatlong taon na mula noong unang beses kita naging kaklase. Hindi na muli kita naging kaklase ngunit nakikita pa rin naman kita sa eskwelahan. Madalas kitang makita tuwing break at kumakain ka kasama ang iyong mga kaibigan, o kapag lumilipat ng silid at nagkakasalubong ang ating section at ngumingiti ka sa akin. Tatlong taon na rin mula noong una kong maramdaman ‘yung mga panginginig na ‘yun, at sa loob ng tatlong taon ay nararamdaman ko pa rin ‘yun tuwing nakikita ka. Ni kailanman ay hindi ko pinansin at inalam kung bakit ganoon ang aking nararamdaman, ngunit hindi ko mapigilang hindi pansinin nang makita kita isang araw kasama ang isa nating ka-batch na si Benj sa kainan sa tapat ng ating eskwelahan.
Kayo lang dalawa ang magkasama noon, at tulad ng nakasanayan, nakita ko na naman ang iyong magaganda’t malawak na ngiti habang tumatawa, ngunit imbes na kabahan at manginig, nakaramdam ako ng paninikip ng dibdib. Ano naman kaya ‘to? Tatlong taon kong naramdaman ang kaba, nginig, at kilabot, ngunit ngayon lang ito nag-iba at naging paninikip ng dibdib.
Nagpatuloy ang ganitong pakiramdam, lalo na’t napapadalas na rin ang pagsasama ninyo ni Benj sa eskwelahan. Sabay na kayong kumakain tuwing break, at nakikita ko pa kayong lumalabas ng eskwelahan nang magkasama. Nagpatuloy lang lalo ang ganitong pakiramdam, at sa totoo lang, hindi ko na maiwasang hindi punahin dahil patuloy lamang itong lumalala, kaya naman tinanong ko na si John at Nilo isang araw ukol dito.
“Pre, bakit gano’n?” panimula ko, napatingin naman sila habang kumakain ng biskwit.
“Anong gano’n?” tanong ni Nilo at sumenyas na umupo kami sa isang bench sa may tapat ng aming silid. May ilang minuto pa naman bago ang klase, kaya nagkwentuhan muna kami.
“Naninikip dibdib ko pre, e, bakit gano’n?” sabi ko na nagpalaki sa mga mata ng dalawa. Agad silang tumayo at hinila ako palayo ng silid. Nagtaka naman ako.
“Ano ba?! Bakit ninyo ko hinihila palayo? Magsisimula na ang klase!” puna ko habang hinihigit ang braso mula sa kanilang pagkakahawak. Napatigil naman sila.
“E, loko ‘ka pala e! Sasabihin mo sa aming naninikip dibdib mo? Malamang dadalhin ka namin sa clinic!” sagot ni John. Natawa naman akong bahagya, at nainis sila sa reaksyon ko.
“Bakit ka tumatawa?!” tanong ni Nilo, bakas ang pagkainis.
“Hindi naman gano’ng pananakit ng dibdib, pre! Wala naman akong karamdaman. May gusto lang akong tanungin!” sagot ko at napabuntong-hininga sila, at saka kami tumawa nang sabay-sabay. Naglakad na kami pabalik ng silid.
“Ano ‘yun, pre?” tanong ni John.
“Naninikip dibdib ko tuwing nakikita ko si Alex pre e. Bakit gano’n?” tanong ko, nagulat naman sila sa aking tinanong.
“Naninikip? Bakit?” interesadong tanong ni Nilo.
“Ewan, dati naman ay kaba at panginginig lang ang nararamdaman ko tuwing makikita ko siya, lalo na tuwing tumatawa at nakangiti siya. Minsan nga’y nagpapawis pa ako, alam ninyo ‘yung pinagpapawisan dahil sa kaba? Gano’n pre,” kwento ko.
“Oh eh anong nabago?” tanong ni John.
“Ngayon kasi pre, naninikip na dibdib ko sa tuwing nakikita ko siya kasama si Benj, ‘yung matangkad na taga-kabilang section?” dagdag ko. Nanlaki naman ang kanilang mga mata.
“Pre! Naninikip? Bakit naman?” tanong ni John, nagtaka naman ako sa tanong niya.
“Anong bakit naman? Eh kaya nga kayo ang tinatanong ko dahil ‘di ko alam bakit! Nakakainis na nga e, bakit nga ba ganito nararamdaman ko, e lintek, magkasama lang naman sila?” sabi ko. Natawa naman sila sa reaksyon ko.
“Alam mo Jaime, ‘wag ka mainis na ganiyan nararamdaman mo. Nagseselos ka pre! Nag-se-se-los!” sagot ni John. Namangha naman ako sa sinagot niya. Anong nagseselos?
“Nagseselos? Anak ng, saan naman ‘yun nanggaling pre?!” tanong ko, hindi pa rin makapaniwalang gano’n ang kaniyang maiisip na sagot sa tanong ko.
“Sa’yo nanggaling, sira! Hindi ko naman maiisip ‘yan kung hindi mo sinabing naninikip ang dibdib mo sa tuwing nakikita si Alex at Benj! Bakit nga naman kasi maninikip ang dibdib mo kung wala ka namang pakialam sa dalawa? Selos ‘yan, selos!” sagot ni Nilo. Ngingisi-ngisi naman si John sa tabi habang kinakausap ako ni Nilo.
Wala na akong masagot dahil nakarating na rin kami sa aming silid, kasabay ng aming guro. Hanggang matapos ang klase at ang biyahe pauwi’y ‘yung sinabi lang ni Nilo ang aking iniisip. Anong selos? Bakit naman ako magseselos eh hindi na rin naman tayo kailanman nagkasama at nagkausap dahil nawalay na rin ang ating landas, tulad ng iba lagi ang section natin? Paano ako magkakagusto sa’yo? Sa paglipas ng panahon, kaba at nginig lamang ang aking nararamdaman para sa iyo, lalo na sa tuwing makikita kitang masaya. Paano nangyaring naninikip ang dibdib ko ngayon tuwing makikita kitang may kasamang iba?
0 comments: