Eunoia,

Literary: Peryahan

2/28/2020 09:05:00 PM Media Center 0 Comments




Palagi akong niyayaya ni Alex na pumunta sa perya taon-taon. Aniya, masaya raw doon dahil marami kaming magagawa! Pwede raw kaming sumakay sa rides, kumain ng mga itinitinda roon tulad ng cotton candy at popcorn. Bukod doon, may mga booth din kung saan puwedeng maglaro at makakakuha ng mga premyo kapag nanalo! Napapangiti naman ako sa tuwing ikinukwento niya kung anong matatagpuan sa perya. Napakaganda ng ngiti niya. Para bang ang pagpunta sa perya ang pinakamasayang pangyayari sa buhay niya. 

Siguro'y ganoon nga kasaya pumunta sa ganoong lugar. 

Ngunit sa tuwing niyayaya niya ako'y wala akong masagot kung hindi hilaw na ngiti. Alam ko kasing hindi na naman ako papayagan ng aking mga magulang kahit na pilitin ko sila. Hindi raw kasi ligtas ang perya dahil marurumi ang pagkakagawa ng mga pagkain at nangangalawang na ang mga rides. 
Ngunit nais ko pa rin subuking magpaalam, nagbabakasakali lang naman akong mapayagan. Kaya naman noong umuwi na kami matapos magkwentuhan ay nagpaalam ulit ako. Laking-gulat ko nang payagan ako! Wow! Sa apat na taon na niyayaya ako ni Alex, ngayong taon lamang ako pinayagan ng aking mga magulang na sumama. 

Yes! Makapupunta ako! 

Dali-dali kong tinawagan si Alex para ibalitang pinayagan na ako.

"Hello, Alex?" sabi ko nang marinig na sinagot niya ang tawag. 

"Oh, Jaime! Kamusta? Bakit napatawag ka?" sagot niya. 

Napangiti naman ako dahil hindi na ang taunang "Pasensya na, hindi ako pinayagan" ang aking sasabihin.

"Pinayagan akong pumunta!" excited kong sagot habang napapangiti sa telepono. Narinig ko naman ang impit na hiyaw niya sa aking tugon. Natuwa naman ako sa kaniyang reaksyon.
"Talaga? Wow! Bago 'yan ha, bakit daw?" tanong niya. Akala niya siguro'y may kapalit ang pagpayag ng aking mga magulang sa pagpunta ko. Natawa naman ako sa tanong niya. 

"Wala namang sinabi, basta't tumango lang sila at binilinan akong agahan ko ang pag-uwi. Okay na 'yun, diba? Bukas tayo pumunta ha!" sagot ko. 

"Oo, tara, bukas!" sagot niya.

Narinig ko na naman muli ang impit niyang hiyaw sa telepono kasabay ng pangilan-ngilang pangangantyaw ng “yehey!” Nakatutuwa. Ganoon ba talaga siya kasayang makapupunta ako? Nangiti ako sa aking iniisip at nagpatuloy na lamang kami sa pagkukuwentuhan tungkol sa perya. Hindi kalauna'y ibinaba na namin ang aming mga telepono dahil magkikita rin naman kami kinabukasan. Excited na ako. 

Napapangiti pa rin ako kaiisip sa maaaring mangyayari bukas hanggang sa ako'y makatulog. 

Paggising, dali-dali kong tiningnan ang orasan sa kwarto. Alas-onse pa lang. May limang oras pa bago ang pagkikita namin ni Alex kaya naman naghanap muna ako ng maaaring gawin. Tumulong ako sa mga gawaing-bahay. Ako ang nagsaing para sa pananghalian, itinupi ko ang mga pinatuyong sinampay, at nagwalis ako. Nakita ko namang bumungisngis ang aking mga magulang habang kumikilos ako. Sa isip ko'y paniguradong natatawa silang sumipag ako ngayong araw dahil aalis ako at pupuntang perya. Binalingan ko na lamang sila ng nang-aasar na ngiti at nagpatuloy sa paggawa. 

Sa patuloy na pagkilos, hindi ko namalayang alas-tres na ng hapon. Ang bilis! Ganoon pala siguro kapag nakatuon ang pansin sa ginagawa. Naligo ako agad pagkatapos at namili ng susuotin. 

Ano kayang pwedeng isuot? Ang dami kong inilabas na damit at kombinasyon, ngunit wala akong mapili. Ano ba 'yan Jaime, bakit hirap ka pumili eh sa perya ka lang naman pupunta? Hindi mo naman kailangang paghandaan gaano. 

Sumang-ayon naman ako sa naisip ko't kumuha na lamang ng shorts at polo shirt. Ayan, okay na ito. Nagpabango ako, nagsuot ng relo, at kinuha ang karaniwan kong dala — wallet, panyo, at cellphone. Nanalamin muna ako bago umalis sa kwarto. Umikot-ikot at nagpraktis ng pagngiti at pagkaway. Ano ka ba, Jaime. Ang corny mo. Nailang na ako sa aking ginagawa kaya lumabas na ako ng kwarto. Niyakap ko ang aking mga magulang upang magpaalam at umalis na pagkatapos.

Habang naglalakad patungong perya na limang kanto ang layo sa amin ay nagpapawis ang aking kamay at mukha. Bukod pa roon ay nararamdaman ko ang pangangatog ng aking mga binti habang naglalakad. 

Bakit ganoon? Kinakabahan ba ako? Lalo akong napaisip. Bakit nga ba ako kakabahan, e si Alex lang naman ang makakasama ko. 

Dapat masaya ako! Si Alex 'yun, o. Tumango-tango naman ako sa naisip at nagpatuloy sa paglakad. 'Di nagtagal ay nakarating na ako sa harapan ng perya. Tiningnan ko ang aking orasan- 3:58 pm. Ayos! Hindi naman ako late. Mabuti na ring ako ang maghintay kaysa si Alex ang maghintay sa akin.

Pinagmasdan ko ang kabuuan ng perya upang malibang. Nag-ikot-ikot na rin ako sa paligid hanggang sa matanaw ko sa 'di kalayuan si Alex na pababa ng pedicab. Mas malayo kasi ang bahay nila sa amin kaya kinailangan niyang mag-pedicab. 

Ang ganda ni Alex! Nakapantalon siya't naka-sleeveless na damit. Mayroon siyang bitbit na maliit na sling bag at siya’y naka-flat shoes

Simple lang, pero bagay na bagay sa kaniya. Napangiti naman ako sa aking nakita. Lalapitan ko na sana siya sa kaniyang binabaan nang may bumaba rin mula sa pedicab na matangkad na lalaki. Hindi ko agad ito nakilala dahil nakatalikod ngunit noong humarap ay nakilala ko na ito. 

Si Benj! Ang batchmate namin! Dali-dali akong tumabi at pinagmasdan silang dalawa habang binabayaran ni Benj ang pedicab driver.

Bakit kasama niya si Benj? Akala ko ba'y kaming dalawa lang ang magpeperya? Napatungo naman ako nang makita kong naglakad sila patungo sa entrance ng perya kung nasaan din ako. Hindi ko napansin ang paghawak ng kamay ng isa't isa hanggang makalapit sila sa akin. 

"Jaime! Hello! Pasensya na, matagal ka bang naghintay?" panimulang-bati ni Alex sa akin nang nakangiti. Nakita ko ring tinanguan ako ni Benj sa tabi. Tinanguan ko naman siya pabalik. 

"Ah, eh, hindi naman gaano, kararating ko lang din," naramdaman ko ang pagkahilaw ng aking ngiti habang sinasagot ang tanong niya. Ngumiti naman siya pagsagot ko. 

"Ayos! Sige, pasok na tayo?" baling niya kay Benj at ngumiti. Nginitian naman siya pabalik ni Benj at hinila ang kamay papasok. Hinabol naman ni Alex ang paningin niya sa akin. 

"Tara na, Jaime! Sama-sama tayo ni Benj ngayong magperya! Mabuti naman at mararanasan mo na ito!" tugon niya nang may malawak na ngiti. Nailang naman ako ngunit tinanguan ko pa rin siya't sumunod sa kanila. 

Hindi ko maiwasang ngumiwi habang nakatingin sa magkahawak-kamay na sina Alex at Benj sa harap ko. Ang ganda nila tingnan, bagay na bagay. Naaasiwa ako.

 Bakit nga ba niya kasama si Benj, at hindi pa niya binanggit sa akin na kasama pala siya? Nagtataka ako ngunit nasagot ko rin ang tanong sa aking isipan. 

Siguro'y sa apat na taong niyayaya niya ako't hindi ako nakakasama, si Benj ang nariyan para sa kaniya. Pumait ang aking pakiramdam at napatingin na lang sa malayo habang naglalakad papasok ng perya. 

Sayang, naunahan na pala ako.

You Might Also Like

0 comments: