filipino,

Bandang Raketship, wagi sa Battle of the Bands

2/24/2020 08:00:00 PM Media Center 0 Comments



RAKETSHIP. Nagbigay ng ngiting panalo ang mga miyembro ng bandang "Raketship" mula grado 9 na sina Capili, Surigao, DelaCruz, Caparas, Pupos at Caño (L-R) matapos ianunsiyo ang pangalan ng kanilang banda upang tanggapin ang kanilang premyo. Photo credit: Rochelle Gandeza

Nanalo ang bandang "Raketship" sa Battle of the Bands (BOTB) na may temang "Hiwaga" na ginanap sa UPIS Quadrangle noong Pebrero 13, 2020.

Itinanghal na kampeon ang bandang binubuo nina Gio Capili, Eowyn Surigao, Allana DelaCruz, John Christian Caparas, Ejaz Pupos, at Liam Caño mula Grado 9. Ito ang una nilang beses na pagsali sa BOTB kung saan kinanta nila ang Still Into You ng Paramore at Huling Sayaw ng Kamikazee.

Nakipagtagisan din sa pagtugtog ang mga bandang Blue Moon, Alitaptap, Revitalize the Broken, at Eliptikal Road.

Nakuha ng bandang Revitalize the Broken ang ikatlong gantimpala. Samantala, inuwi naman ng Eliptikal Rd. ang ikalawang gantimpala at ang People’s Choice Award.

Nagsilbing hurado sa patimpalak sina G. Leujim Martinez, G. Carlos Calderon at si Bb. Zsaris Mendioro.

Habang hinihintay ang pag-aanunsyo ng mga nagwagi, nagkaroon ng mga pagtatanghal mula sa ilang guest performers. Kabilang dito sina Bb. Mendioro na isang singer-songwriter, beatboxer, live loop, at artist na tinaguriang one-woman-band, gayundin ang Shirebound and Busking na singer-songwriter ng album na may titulong "For Princesses, By Thieves” (O Mga Awit ng Hiraya para sa Guni-guning Sinta).

Hindi rin nagpahuli ang mga guest performers mula sa UPIS tulad ng ELKS, 4 Kings, at ang back-to-back champions ng BOTB na Prizmo.

"Nung pagbaba po namin ng stage di po ako makapaniwala sa lahat ng mga bumati sa'min, napaka-grateful ko po sa lahat ng mga sumuporta sa aming banda, parang nananaginip po ako nung gabi na yun at hinding-hindi ko po siya malilimutan. ‘Yun po yung unang BOTB ko kaya di ko po inasahan na mag-pi-place kami, much less mananalo, pero nais ko rin pong sabihin na wala nang hihigit pa sa mga napakalupet na taong nakasama ko sa entablado noong gabi na iyon." saad ni DelaCruz. //ni Rochelle Gandeza

You Might Also Like

0 comments: