Dalisay,
Literary: Akala
Akalain mo bang sabay tayong papasok
sa karnabal na ito?
Sa dinami-rami ng taong
pagala-gala,
palaboy-laboy
at pakalat-kalat
tayo pa talaga ang nagtagpo
Mabilis na paglakad
Naiilang na pagtingin
Hindi pa sigurado sa
kung anong sasabihin
Nanginginig-nginig pa ang boses
pati na rin ang mga kamay
habang ang masikip na daanan
nilakad nang sabay
Ganoon tayo nagsimula
Ngunit hindi nagtagal ay nakilala na kita
at nakilala mo na rin ako
Siguro…
masasabi kong ito,
ang ating hindi inaasahang pagtatagpo,
ang isa sa pinakanakapagpabago sa buhay ko
Makasama ba naman
sa ganitong klaseng peryahan
na puno ng kasiyahan
ang isang tulad mong sa kasalukuyan
ay nangakong hindi mang-iiwan—
napakasuwerte ko naman
Makatabi ka pa rito
sa umiilaw na karosel
na
akala nating
‘di titigil
sa paulit-ulit
na pag-ikot
at pag-ikot
at pagdulot
ng kasiyahang
walang katapusan—
napakasuwerte ko naman
Pati na rin sa ferris wheel
kung saan iyong hinayaan
na aking mahawakan
ang iyong kamay
hindi lamang habang tayo’y
nasa
pinakamataas
na bahagi,
kung saan
alam naman
nating madali
ang pag-abot
sa langit,
kundi pati
na rin sa
pinakababa
kung saan alam nating mahirap
ang pagtanaw
sa mga ilaw na nagbibigay liwanag—
napakasuwerte ko naman
Subalit nang magkaroon ng kaunting pagkasira
sa ating mga sinakyan
agad na tayong bumaba at napag-usapan na
asikasuhin muna natin ang ating sarili
at pansamantalang pumunta sa kung saang libangan natin
nais puntahan nang
mag-isa
Nang ako’y natapos, agad akong bumalik
sa kung saan tayo huling nagkasama,
inakala kong muli kang magpapakita
na nakangiti’t may matamis na meryendang dala-dala
Ngunit hindi nagtagal ay nakilala mo na pala siya
at nakilala ka na rin niya
Siguro…
masasabi kong ito,
ang inyong hindi inaasahang pagtatagpo,
ang isa pang pinakanakapagpabago sa buhay ko
Tama nga na ang walang katapusang pag-ikot ng ating karosel
ay isang akala lamang
sapagkat hindi nagtagal ay namatay rin
ang mga ilaw nito
at tumigil sa pag-ikot
tulad ng ferris wheel
na hindi na tayo dinala sa pinakatuktok nito kailanman
Akalain mo bang mag-isa akong lalabas
sa karnabal na ito?
Sa dinami-rami ng taong
pagala-gala,
palaboy-laboy
at pakalat-kalat
maiiwan lang din pala ako
Mabilis na paglakad
Naiilang na pagtingin
Napakarami pa sanang
gusto sabihin
Mula sa malayo’y pinagmamasdan ko ang inyong ngiti
pati na rin ang inyong magkahawak na kamay
habang ang masikip na daanan
ay nilakad na natin nang magkahiwalay
Ganoon tayo nagtapos
0 comments: