elora,

Literary: Talunan

11/21/2016 08:58:00 PM Media Center 0 Comments




Sa pagitan ng pagkabigo at tagumpay
Puso ko'y sa alanganin inilagay
Sa pagitan, kung saan wala pang talo, wala ring panalo
Sa pagitan kung saan sa isang iglap, lahat ay pwedeng mabago.

Ako'y tila naglalaro sa isang paligsahan
Kung saan ako'y walang kalaban
At kung saan ako ang laging panalo
Napabulong sa sarili, "Sana lagi na lang gan’to."

Walang pagsubok, walang hirap
Abot-kamay ko ang tagumpay sa isang kurap
Walang kahirap-hirap, pawis ko'y di man lang tumagaktak.

Ngunit hindi...

Panaginip ko lamang pala ito
Isa lamang pala itong laro
Wala pa pala sa kalingkingan ng aking katotohanan
Ang aking pantasyang matagal nang napapanaginipan

Sa realidad pala...

Ako'y tila naglalaro ng baraha kung sumugal sa pag-ibig
Kahit alam ko na malaki ang tsansang wala sa aking maibabalik
Hinding-hindi mag-aalinlangan
Pupusta nang pupusta hangga't puso ko'y ikaw ang laman

Tila ako'y isang bola ng basketbol sa laban
Pinaikot mo at pinaglaruan
Nang ako'y mahulog sa ‘yo,
Ako ay hindi mo man lamang sinalo

Hanggang dito na lang ba ako?

Laging pinaglalaruan?
Naiiwan na lang lagi sa hanay ng mga talunan?
Iyo bang pinatutunayan lalo,
Na sa laro ng ating pag-ibig ako na ang talo?

Ito na ba ang nakatalagang tadhana para sa ating dalawa?
Pilit ba tayong pinaglalayo,
O talaga bang ikaw lang ang nagtatago?
Hindi ko na alam, hindi ko na alam ang gagawin ko!

Kahit isa lamang sa mga tanong ko, sana masagot mo
Para naman mabigyang-linaw din naman ako
Para hindi na ako maghintay pa,
Para alam ko rin kung mauuwi lamang sa wala.

You Might Also Like

0 comments: