dawson,

Literary: Pitik-Bulag

11/21/2016 08:48:00 PM Media Center 0 Comments





“Aray!”
“Ouch!”
“Ano ba ‘yan?!”
“Ang sakit naman!”

Maghapon na naman tayong nagsasakitan
Para sa munting ikasisiya nu’ng isa
Buong araw nagpipitikan
Aking kamay ay namumula na

Ako na naman ang taya
Nagpapakabulag sa katotohanan
At ang tanging nakikita ko lang
Sa tuwing nasisinagan ng ilaw ang mata
Ay ang mukha mong nag-uumapaw sa saya

Sa bawat pagkakataon
Ay nanghuhula ako
Sa kung ano nga ba’ng nararamdaman mo
At kung ilang daliri ang gagayahin ko
At kung may iba ka pa bang kalaro
At kung naghuhulaan pa rin lang ba kayo

Ilalayo mo ang iyong kamay sa iyo
Pero papalapit naman ito sa akin
Hindi para hawakan ang pasmado kong palad
O damhin ang namumula kong pisngi
Ngunit upang dagdagan ang pagdurusang dinaranas
At saktan akong muli

Handa akong tanggapin ang sakit
Ng sunod-sunod na kagat ng langgam
Sa likod ng pampiring na kamay
At tunay na aking inaabangan
Ang mga kislap na nagsisiliparan
Sa tuwing kamay natin ay nagkikiskisan

Alam ko ang aking pinasok
Ang mapanakit na larong sinalihan
Kung saan ako lang ang naghihirap
At ang dinaranas mo ay kaginhawaan
Hindi ako nagdalawang-isip na makipaglaro
Basta ikaw ang kasama ko

Basta lang ay mapatagal ang oras
Ng hapon sa bakurang balot ng kahel
Kung saan ako lang at ikaw
Kahit hindi tayong dalawa
Nagsasakitan,
Nagtatawanan,
At alam natin na iyon ay sapat na

You Might Also Like

0 comments: