barsiti,

Literary (Submission): Sa Likod ng Sining

5/26/2018 07:33:00 PM Media Center 0 Comments






Mga tao ng sining
nabubuhay sa mga likha
mga hamak na katha

Mga artistang nababaon
sa paghihirap at pagkahapo
Sa kawalan ng inspirasyon
ay walang nabubuo

Mga artistang sinasamantala
dahil sa tunay na talento
Kinakaibigan lamang dahil may lihim na motibo
na makuha ang obra sa mas mababang presyo

Mga artistang di inuunawa
pinauulanan ng mga kritisismong
hindi naman nakatutulong
‘pagkat sa pagkaorihinal ay bumubura

Mga artistang di suportado
di tanggap ng mga mahal sa buhay
Ang mga obrang pinagpuyatan
di nakapagbabayad ng renta sa bahay

Mga artistang nawawalan ng oras
sa pagdanas ng kanilang sariling gawa
Sa bilis ng ikot ng mundo
nauubos ang panahon para sa tunay na gusto

Mga artistang laging napupuna
dahil sining ay umalpas sa itinakdang kasarian
Ngunit pipigilan ang pag-agos ng mga luha
upang ipahayag ang totoong sarili’t nadarama

Mga artistang maraming kompetisyon
mga kuha ay nagapi na ng iba
Kadalasa’y nawawalan ng pag-asa
‘pagkat gawa’y nahigtan ng mas maganda

Mga artistang determinado
ngunit butas na ang bulsa
Nagtatrabaho sa kinumpuning materyales
upang patuloy na makalikha

Mga artistang di nabibigyang-halaga
mga akda’y iba sa nakagawian
Inaani’y pawang kutya at sumpa
dahil ginagawa’y taliwas sa lipunan

Mga taong nahuhumaling
nabubuhay sa mga likha
Akala’y magaling
marunong lang pala

Pero sa kabila ng lahat
ang mga tao ng sining
ay patuloy na kakatha

Sapagkat ang araw ay muling sisikat
at may bago muling inspirasyon
Sapagkat ang bawat ngiting matamasa
ay magsisilbing matibay na pundasyon
Sapagkat ang palakpak at hiyaw
ay patunay na hindi dapat umayaw
Sapagkat ang bawat papuri
ay patunay ng kagalingang naghahari
Sapagkat ang panunudyo
ay pantulak sa pagbabago
Sapagkat sa kabila ng paghihirap
ang arte ay patuloy na bubuhay sa pangarap

Oo, ang mga artista
ay hindi mo pa lubusang kilala
Ngunit ang kanilang diwa
ay sa likhang-sining mo makikita

You Might Also Like

0 comments: