filipino,

Literary: Puting Buhok

5/08/2018 08:19:00 PM Media Center 0 Comments






Pagkabata

Bata pa lamang, magkaibigan na kami. Sabay pumapasok sa eskuwelahan, sabay na kumakain, sabay pang mag-birthday. Palaging sabay kami. Madalas kaming maglaro sa ilalim ng punong napakalaki sa may burol sa tapat ng bahay ni Aling Nena—tagu-taguan, piko, tumbang preso, at marami pa. Umuuwi kaming puno ng galos ang mga tuhod dahil sa paglalaro. Ang mga tenga namin ay nabibingi sa sermon ng aming mga nanay.

Kung minsan, bumibili kami ng mga tigpipisong chichirya, kendi, at softdrinks. Nahihiga kami sa ilalim ng punong mangga at pinagmamasdan ang mga ulap na dumaraan.

“Tignan mo, o, may isang mukhang aso, tapos ‘ayun o, pusa.”

“Oo nga, ang galing naman!”

“Jennifer!”

“Sebastian!”

“Ay, tinatawag na ako ni Nanay! Bukas na lang ulit!” sabay takbo sa aming mga bahay.

***

Isang araw, habang naglalaro sa sala, narinig ko ang aking nanay.

“Ang dami mo nang puting buhok, Gani. Halika, bunutan kita para tumagal tayo,” sabay ngiti at hagod sa buhok ng aking tatay.

Ipinikit ni Tatay ang kanyang mga mata, ngumiti at sumagot, “Sige, para tumanda tayong magkasama.”

Di ko naiwasang mapatanong. “Mama! Totoo ba ‘yun? Matagal na magkakasama ang dalawang tao pag nagbubunutan sila ng puting buhok?”

“Oo naman, Anak. Sinabi ‘yon sa akin ng Lola ko nu’ng bata ako. Isang matandang pamahiin ‘yon!”

“Anak, kaya ikaw, pag nagmahal ka ng isang tao, bunutan mo ng puting buhok para tumagal pa lalo ang samahan niyo,” dagdag pa ni Tatay.

***
“’Uy, Sebby, may puting buhok ka na ba?”

“Wala pa, ‘no, bata pa lang ako. Bakit mo naman natanong?”

“E, kasi, sabi ni Mama, pag may puting buhok ka na at binunot ‘yun ng isang tao, matagal kayong magkakasama. Tara, magbunutan tayo ng puting buhok para mas matagal tayo magkasama at mas makapaglaro pa tayo!”

“O? Talaga ba? Sige, pabunot ko pag meron na, ha!”

“Sige, para parehong humaba buhay natin!”

Buhay Hayskul

Dumaan ang limang taon at kami ay pumasok na sa hayskul. Kami ay nanatiling magkaklase at madalas kaming magkasama kapag nag-aaral at gumagawa ng mga assignment. Isang araw, habang gumagawa kami ng homework, napansin kong muli ang mga puting buhok ni Seb.

“’Uy, dumami na pala ang mga puting buhok mo!” pagulat na sabi ko.

“Hala, totoo ba?” pag-aalala niya.

“Oo, stressed na stressed ka na siguro, ‘no?” tanong ko.

“Siguro. Sobrang dami kasi ng mga kailangang tapusin,” malungkot niyang tugon.

“Sige, aral ka na lang muna diyan, tanggalan na lang muna kita ng puting buhok.”

“O, sige. Baka mamaya, bunutin mo mga itim na buhok ko! Ang sakit kaya!” reklamo niya.

“Hindi! Wala ka bang tiwala sa ‘kin? Magpasalamat ka nga, hahaba buhay mo, e!” sabi ko sa kanya nang punong-puno ng kumpiyansa sa sarili.

Madalas kaming nakikitang nagbubunutan ng puting buhok ng mga kaklase namin kaya lagi kaming tinutukso.

“’Uyyyy, si Sebastian at si Jen, o! Ang sweet naman!” pang-aasar ng isa naming kaklase.

“YIIIIEEEEEE!” sabay-sabay na pagtudyo nila.

“’Uy, ano? Kayo na ba?” kinikilig na pagkulit ng kaibigan ko.

Agad kong inawat ito at sinabing “YUCKKKK!! Ito? Sigurado ka ba?”

“Si Jen-Jen?” malakas at pabirong sinabi rin ni Seb at biglang umarteng nasusuka.

Pareho kaming nandiri at pareho rin kaming natawa dahil sa reaksyon namin sa isa’t isa.

“Ano ba ‘tong mga kaklase natin, parang walang ibang magawa,” natatawa at medyo nahihiyang sabi ni Seb.

“Oo nga, e! Ang lalakas talaga nilang mang-asar,” dagdag ko.

Bawat araw sa buong buhay namin sa hayskul ay madalas kaming tuksuhin ng aming mga kaklase. Nagtataka na nga rin kami kung hindi ba sila nagsasawa sa pang-aasar sa aming dalawa. Pero tinatawanan na lang din namin ito at minsan sinasakyan na lang namin ang mga hirit nila. Hanggang sa nasanay na kami at nagsimula na rin naming magustuhan ang isa’t isa.

Habang Kolehiyo

Narinig ko ang bell na hudyat ng pagtatapos ng aming klase. Matagal kong hinintay ang Miyerkules na ito. Sinusulit namin ang bawat maagang uwian na mayroon kami kasi ito na lang ang panahon kung kailan puwede kaming mag-usap. Madalas na kasi kaming magkalayo dahil magkaiba ang tinahak naming landas sa kolehiyo. Napag-usapan naman namin na ayos lang ‘yun kasi mas mahirap kung pipilitin ‘yung isa sa kursong di niya naman talaga gusto.

“Ano’ng gusto mo?” tanong niya. “Ako na manlilibre ngayon kaya sulitin mo na."

“Kung ano’ng sa ‘yo,” sagot ko.

“E, ikaw nga ang inaantay kong pumili, e,” balik niya.

“E, ikaw ang gusto kong pumili, e," sabi ko.

“E, di ‘wag, ‘wag na lang kaya tayo kumain,” galit-galitan niyang sinabi. Tumawa kaming dalawa.
‘Yun pa rin ang inorder namin tulad ng lagi naming inoorder. Di ko alam bakit pa kami laging nagtatanungan.

Nagpalipas kami ng oras sa damuhan. Pinapanood namin ang araw na bumaba. "Wala ka bang gagawing kahit ano?" biglang tanong niya sa akin.

“’Wag mo nang alalahanin 'yun. Minsan na nga lang 'to, e. Bakit, gusto mo na ba ako umuwi?” sagot ko sa kanya.

"Hala! Hindi! Ito naman, nagtatanong lang, e," nagmamadali niyang sinabi.

"Magrelaks na lang muna tayo dito. Ang sarap ng init ng araw pati simoy ng hangin pag hapon. ‘Wag nating sayangin," wika ko sa kanya.

"Tama ‘yan... Ay! Patignan nga pala, tingin ko dumadami na ulit puting buhok ko," aniya habang nilipat niya ang tingin mula sa kawalan papunta sa akin na nasa likod niya.

"Kanina pa kita binubunutan, 'wag ka nga malikot!" sabi ko habang iniikot ko siya pabalik.

"A, ganu’n ba? Sige,” sabi niya sabay tawa. “Iidlip muna ako, ha. Gisingin mo 'ko pag gusto mo nang umalis."

Ganoon madalas ang aming mga Miyerkules, Sabado, at minsan, Linggo. Naiiba lang minsan ‘yung kinakainan, lalo na kung may ekstrang pera pero madalas ganoon lang. Simple, kalmado, taimtim.

Pag-aasawa

Hindi na namin pinakawalan ang isa’t isa hanggang sa magpakasal kami ilang taon matapos naming grumadweyt.

Minsan, masaya akong umuwi mula sa palengke, dala ang mga pinamili ko. Isa-isa ko itong inilabas sa kusina at agad kong hinugasan. Lulutuin ko ang paboritong ulam ng aking asawa, ang sinigang na baboy.

Agad kong nilinisan ang karne at pinakuluan, hiniwa-hiwa ang sibuyas, kamatis, gabi, at okra na magsisilbing sahog sa aking lulutuing ulam.

Nang kumulo na ang karneng baboy, inilagay ko na ang mga hiniwang sangkap at ang sampalok na magsisilbing pampaasim sa aking sinigang.

Habang hinahalo ko ang pampaasim sa sabaw, nakaramdam ako ng mga yakap. “Ang bango naman ng niluluto ng asawa ko,” bulong ng isang malambing na boses. “Pero, siyempre, mas mabango ang asawa ko,” bulong niya sa aking tenga sabay halik sa pisngi ko.

Napangiti ako. Napakasuwerte ko talaga sa asawa ko. Matapos ang ilang minuto, luto na ang aking sinigang. Inihain ko na ang ulam at kanin sa aming hapag-kainan.

“Kumusta pala ang pakikipag-usap mo sa doktor?” tanong niya sa akin habang nagsasandok ng kanin.

Natigilan ako dahil hindi maganda ang balita at hindi ko alam kung paano ko sasabihin. Lumunok ako at pinigilan ang pagluha ng aking mga mata bago ko siya sagutin.

“Wala, e. Sabi niya, baka hindi ko na raw talaga kakayanin,” agad akong napayuko, pang-ilang beses na rin naming nakukuha ang ganitong balita.

“Okey lang ‘yun, may susunod pa naman. Baka kailangan mo lang magpahinga,” wika niya sabay ngiti sa akin.

“Sigurado ka bang gusto mo pang subukan? Alam mo na, hindi na tayo bumabata. Sa katunayan nga, mas nabibilang na ‘yung itim mong buhok sa ulo, e, kaysa sa puti,” sabi ko habang nakatingin sa kanyang mga mata.

“Ikaw ba? Siyempre, iniisip ko ang kapakanan mo. Ayokong nahihirapan ka,” aniya sabay hawak sa kamay ko.

“Pasensya ka na, ha? Hindi ko mabigay ang pamilyang pinapangarap mo.”

“Hangga’t kasama kita, wala na akong ibang kailangan, Jen.”

Mula noon, napagdesisyunan na naming sabay kaming tatanda nang kami lang. Naisip namin na marami namang masayang gawin basta magkasama kami.

Napakasuwerte ko na nabiyayaan ako ng ganitong asawa at wala na akong mahihiling pa.

Pagtanda

“Ano, may napili ka na ba?” pangatlong tanong ko na kay Seb, pero hanggang ngayon tinititigan niya lang ang menung hawak-hawak niya. Mahigit sampung minuto na kaming nakaupo sa restaurant, hindi makapagdesiyon kung ano ang kakainin.

“E, ikaw ba? Kung ano na lang ang gusto mo, gusto ko na rin,” nakangiting sagot niya sa akin.

“Ano? ‘Yung palagi na lang ba natin ulit inoorder dito? Tanda mo pa ba ‘yon?” muli kong itinanong sa kanya. Napaisip siya kung ano iyon at napakamot lamang siya ng ulo. Mukhang nakalimutan na niya kung ano iyon.

“A… e, basta ikaw na bahala.”

Itinaas ko ang aking kamay at nagtawag ng waiter. Pagkasabi ko ng aming order ay napansin kong tahimik ang aking asawa at tumitingin sa mga tao na kumakain din sa restaurant. Tinitigan ko siya at napuna ko na ang laki na pala ng ipinagbago naming dalawa. Ang dami na rin pala naming napagdaanang magkasama. Nahuli niyang nakatingin ako sa kanya at nagtaka.

“Anong meron? May dumi ba ‘ko sa mukha?” pabirong tanong niya sa akin.

“Wala naman. Mga kulubot lang,” mabilis kong sagot sa kanya. Napangiti siya sa sinabi ko ngunit natigilan din siya at parang biglang lumalim ang kanyang iniisip.

“O? Bakit ka nalungkot bigla? Ayaw mo ba no’n? Dumadami ang wrinkles natin nang magkasama,” makulit kong sinabi sa kanya.

“Hindi naman, naisip ko lang na mami-miss ko ‘to,” malumanay niyang winika. Naramdaman ko bigla ang lungkot niya pagkabigkas ng mga salitang ito at hindi ko malaman kung ano ang itutugon sa kanya.

Ngumiti na lamang ako at hinawakan ko ang kamay niyang nakapatong sa mesa.

Sinagot niya ito ng pisil. “Huwag kang mag-alala. Nanggaling na rin naman tayo kay Doc kanina, di ba? At isa pa, di naman kita iiwan agad at di ako mawawala, medyo makakalimot nga lang paminsan-minsan. Kaya kahit ano’ng mangyari, huwag mo akong hahayaang magpautang, ha?” pabiro niyang pagpapaalala sa akin.

Pangatlong beses na niyang sinabi ito sa akin ngayong araw. Hindi niya napapansin na umuulit na ang kanyang mga sinasabi. Ngunit hinayaan ko na lamang siya at muling nginitian ang hirit niya. Dumating na ang waiter at inilapag ang pagkain sa aming harapan. Habang kumakain, binanggit niyang mayroon muna siya gustong daanan bago kami umuwi.

Pumunta kami sa isang parke. Naghanap si Seb ng punong puwede naming silungan at umupo kami sa ilalim nito. Parang mga bata, tinitigan namin muli ang mga ulap at nagkuwentuhan tungkol sa naging takbo ng buhay namin.

“Hindi ka rin nagsawa sa akin, ano? Ang tagal na nating nagkasama,” wika ko sa kanya.

“E, di mo kasi ako nilubayan, lagi mo akong sinusundan,” natatawa niyang tugon sa akin.

“Wala e, pinakasalan pa nga kita. Di na talaga kita puwedeng iwanan,” pabiro kong sagot.

“Totoo nga ‘yung paniniwala mo noon sa puting buhok. Hindi na tayo nagkahiwalay, tumagal pa ang pagsasama natin.”

“Naaalala mo pa ‘yon?” nagulat kong itinanong.

“Hanggang ngayon,” masaya niyang sagot sa akin. Pareho kaming natuwa sa aming puwesto na katulad lamang ng dati. Simple, kalmado, at taimtim.

“Gusto mo ba akong bunutan ng puting buhok?” tanong niya sa akin.

“Pero puti na lahat, e,” sabi ko sa kanya.

“E, di, itim na lang para madalian ka,” humiga siya sa aking tabi at muling iniharap ang buhok niya sa akin. Natawa na lamang ako at nagsimula nang maghanap ng itim na buhok mula sa puting-puti niyang ulo.

You Might Also Like

0 comments: