contre jour,

Literary: Ikaw ang Sining

5/26/2018 08:14:00 PM Media Center 0 Comments




Ikaw, musa, ang aking sining:

AKDA
Sa bawat taludtod ng aking tula,
Ika’y nananahan, aking sinta;
Ang bawat gamit ko ng wikang matalinghaga,
Sa iyong magandang diwa’y tumutugma

Ngunit ano’ng kakayanan ng aking wika
Upang tunay na maipakita ang iyong ganda?


GUHIT
Sa aking mga guhit hawig ang ‘yong mukha,
Sunod sa ’yong porma ang aking mga linya;
Sinusubukang ang ‘yong imahe’y makuha,
Sa dibuhong ikaw ang natatanging paksa

Ngunit sa kabila ng mga detalyeng ipinepresenta,
Hindi pa rin sapat ang lapis upang ika’y totoong makita


LARAWAN
Sa bawat pagpahid ng aking pinsel sa lona,
Ang iyong karikta’y sinusubukang makuha;
Ang bawat bahid ng pintura sa ’king likha,
Sumasalamin sa kulay ng iyong mukha

Ngunit, hindi pa rin sapat ang pintura
Sapagkat di nito nakukuha ang tunay mong diwa


ISKULTURA
Sa iskultura naman ika’y makikita,
Itinatanghal ang iyong anyo’t itsura;
Ang bawat bahagi mo’y sa marmol hinulma,
Sa pagsubok na kasakdalan mo’y mabigyang hustisya

Ngunit kapag tiningnan ang mata ng estatwa,
Walang buhay o damdaming ma’aring makita


IKAW
Kaya’t ikaw mismo ang sining, mahal:
‘Di sa ’kin o kahit kanino man;

Hindi sapat ang wika ng simpleng makata,
Walang binatbat ang marmol at pintura,
Sa iyong kadalisaya’t natatanging ganda,
Sa iyong purong ngiti at kahali-halinang tawa;

Anumang subok ikaw ay salam’nin,
Anumang subok ‘yong diwa’y hulihin,
Hindi sapat ano man aking gawin,
Sapagkat ikaw mismo ang kasukdulang sining

You Might Also Like

0 comments: