chocobutternut,

Literary (Submission): Hamak

5/26/2018 09:52:00 PM Media Center 0 Comments





Wala akong laban
Sa kanyang kagandahan
Na mukhang kinatha ni Bathala
Gamit ang pinakamapuputing ulap para sa kanyang kutis
Pinakamapupulang rosas para sa kanyang mga labi
Pinakamatatamis na huni ng mga ibon para sa kanyang boses
At pinakamaliliwanag na silahis ng araw para sa kanyang ngiti.

Wala akong laban
Sa pungay ng mga mata
Na singganda ng mga tala
Sa ngiti na sintamis
Ng halimuyak ng sampaguita
Sa kaniyang alon-along buhok
Na tinalo ang kalma ng dagat matapos ang bagyo

Wala akong laban
Sa kaniya
Siyang pinagmumulan ng mga tula
Siyang pinaghahabihan ng mga tugma
Siyang isinasawalang hanggan sa tela
Siyang sinesentro sa mga dula
Siyang ipinapalabas sa pelikula
Siyang isinasama sa mga akda
Siyang bumubuo sa mga letra ng bawat katha.

Wala akong laban
Sa kaniyang ganda
Dahil ako'y hamak lang na makata
Walang laban ang pag-antig ng aking mga taludtod
Sa sayang nadadala sa 'yo ng kaniyang magaang tawa
Walang laban ang pagduduldulan ko ng damdamin
Sa pagkatigagal mo sa kaniyang bawat salita
Walang laban ang mga talinghaga
Sa kung paano mo siya masdan
Tuwing siya'y nakatingin sa mga tala

Wala akong laban
Sa isang gawang sining
Dahil 'di naman ako isa

You Might Also Like

0 comments: