feature,

Feature: Now Presenting: PusaKalye!

5/28/2018 08:44:00 PM Media Center 0 Comments



Photo credit: Rogin Losa

          Maalinsangan ang hapon. Palubog na ang araw pero ramdam mo pa rin ang singaw ng mainit na panahon. Kagagaling mo lang sa eskuwelahan. Kapit na kapit na sa nanlalagkit mong balat ang minsan mong puting polo at pinapaypayan ang sarili gamit ang bandanang siya ring iyong panyo.

          Binaba ka na ng sinakyan mo sa may kanto at sa pagod na naramdaman mo sa biyahe, sinabi mo sa sarili mong gusto mong uminom ng malamig na soft drink. ‘Yung malamig na malamig.

          Kasama ang mabigat mong bag at pudpod na takong ng iyong itim na sapatos ay tumawid ka sa kanto at nagtungo sa tindahan ni Aling Nena at bumili ng isang bote ng soft drink. Tulad ng dati, sa maliit na espasyo sa pagitan ng kalsada at ng mismong tindahan ay nakatambay ang mga kuyang nagkakantahan nang gitara at hamak na beatbox lang ang dala. Nakinig ka sa kanila.

          Mga lumang kanta ang kanilang hirit, mula pa dekada nobenta tulad ng mga di matatawarang klasiks ng Eraserheads. Sobrang chill na tugtugan, kasama ang kulimlim ng palubog nang araw at ang pagdating ng hamog.

          Pag-uwi mo sa bahay, hinahanap mo pa rin ang musikang ito sapagkat tuwing naririnig mo, agaran kang napaparelaks. Pero saan ka ba makakarinig ng ganitong klaseng jamming kahit wala ka sa harap ng tindahan ni Aling Nena?

          Simple lang, hanapin mo ang PusaKalye!

          Isang bandang nabuo lang din sa pagja-jamming, ang PusaKalye ay ang hahanap-hanapin mong soundtrip kung ikaw ay mahilig sa musikang makapapawi sa iyong pagod at ibabalik ka sa chill feeling ng mga tugtugan sa kanto. Binubuo nina Chad Binoya (Vocals), Lester Binoya (Bass & Vocals), Angelo Cawili (Guitar & Vocals), Ian Mante (Guitar & Vocals), Dan Lopez (Percussions), at Almond Mendoza (Keyboards), ang PusaKalye ay nagmula rin sa paggawa ng musika sa mga hamak na lugar.

          Pero bakit nga ba PusaKalye? Ayon sa banda, noong napag-isipan na nilang magbuklod ay wala silang maisip na magandang pangalan. “Walang dating [ang] mga […] suggestion, haha, eh that time may mga nagkalat [na] pusa sa kalsada, and since isa [sa] mga influences ng banda ay ang tunog kalye ng ‘90s, naipasok du’n ‘yung pangalan na PUSAKALYE: mga tambay sa tabing kalsada na gumagawa ng magandang musika na katulad ng kinalakihan natin nu’n.”

          Nag-umpisa lang sa simpleng kayayaan, ang mga Binoya ay nakaisip na gumawa ng banda. Nagsilbing entablado nila ang tambayang malapit sa bahay nina Chad at doon sila pumuwesto upang gumawa ng mga kanta. Kasama ang gitara’t ukulele, na sinasabayan ng mga boses nila, gumawa sila ng musika. Nang kalauna’y niyaya na rin ni Chad ang kaniyang matalik na kaibigang si Dan na pumalo ng cajon at noon nabuo ang bandang ito. Bagama’t maliit lamang ang pinagsimulan ng banda, hindi pa rin sila tumigil sa paghabol sa kanilang mga pangarap.

          Bukod pa sa covers ng mga sikat na kanta na ginawan nila ng “PusaKalye” version, lumilikha rin sila ng sarili nilang mga awit. Simula pa lang ng pagkakabuo ng banda, kumukuha na sila ng inspirasyon mula sa mga karanasan at mga taong kilala nila. Dito sila humuhugot upang makalikha ng mga kantang punong-puno ng katotohanan sa buhay.

          Ang kauna-unahan nilang album na inilabas noong taong 2017, ang “Kwento ng Pag-ibig,” ay nagsasalaysay ng mga yugto sa relasyon ng dalawang tao—mula sa panliligaw hanggang sa hiwalayan, at sa wakas, ang pagmu-move on. Ang simula ng relasyon ay makikita sa “Tinig Mo” na sumasalamin sa pagkabighani ng lalaki sa boses ng babae, “Miss Please” na nagpapahiwatig ng kagustuhan ng lalaki upang makasama siya, “Maaari Ba” na nagsasabi sa babaeng tigilan ang pagpapahirap sa kaniya sa mga panahong hindi sila magkasama, at “Sana” na nagpapahayag ng pangako ng lalaki na hindi sasaktan ang babae. Sunod naman ang masayahing tunog ng “Teleserye” na ukol sa paghiling ng lalaki na maging bida sa buhay niya ang babae, hanggang sa pagkainggit niya sa pinakamatalik na lalaking kaibigan ng babae sa kantang “B/B.” Ang “Oo Na” ang nagsasalaysay sa sunod na kabanata sa kuwentong pag-ibig nila, ang pag-aaway at pag-aako na lang ng lalaki sa kasalanan upang wala nang pagtatalong maganap, at sumunod dito ang “Silent Treatment” na naglalarawan sa hindi pagpansin sa kaniya ng babae. Ang malungkot at mabagal na tunog ng “Kulimlim” ay pagtanggap na wala nang sila. Sa “Celeste” naman nagtatalo ang damdamin ng lalaki kung siya’y magmu-move on na ba o hindi, at ang huling kanta, ang “Tila” ang siyang pagbalik sa alaala nilang dalawa ngunit, handa na siya mag-move on mula rito.

          Bagama’t nag-umpisa nang simple, malaki ang pangarap ng banda para sa kanilang hinaharap. Nais nilang maglabas ng mas maraming album at magdaos ng isang nationwide tour. Hindi man mga full time artists at nagtatrabaho ang mga miyembro sa iba’t ibang industriya tulad ng insurance, business process outsourcing, engineering, at maintainance, patuloy lang ang PusaKalye sa pagpapasaya ng kanilang fans. Kamakailan lamang ay inilabas nila ang music video para sa kantang “Sana.”

          Isang hamak mang banda, mga miyembrong natuto lamang ng pagtugtog sa pamamagitan ng pag-eensayo, sila ay may potensyal na sumikat sa mundong ito kasama ang gitara’t beatbox bilang mga sandata sa pakikipagsapalaran sa larangan ng musika. Nagsisimula pa lamang sila kaya abangan pa natin ang ibubuga ng PusaKalye!//nina Wenona Catubig at Roan Ticman

You Might Also Like

0 comments: