filipino,

Literary (Submission): Pagkatha ng Isang Obra Maestra

5/26/2018 09:27:00 PM Media Center 0 Comments





Una, mahalin mo siya

at hayaang masugatan ang puso
hanggang sa ito’y madurog
at magdugo hanggang sa
mag-iwan ito
ng mga
marka

Tapos, pakinggan mo sila

at patuluyin ang pagdududa sa isipan
hanggang sa ang iyong tenga
ay mabingi sa mga
kasinungalingan
at mga maling
salita

Sunod ay balikan ang dati

at hayaang mapagod ang mga paa
hanggang sa ito’y kusang tumigil
dahil sa pagod sa patuloy
na pagtakas sa mapait
na nakaraang
puno ng luha

At harapin ang pinagsisisihan

at patuluyin ang takot sa iyong loob
hanggang ang lahat ay muling
panghinayangan at ang
tanging matitira ay
ang himig ng
katahimikan

Panghuli
Kunin ang iyong pinsel
Hayaang ang mga markang ito
Ay makabuo ng mga guhit

Umupo sa tapat ng makinilya
Hayaang ang mga salitang ito
Ay maging tugma ng iyong tula

Mag-ensayo ng mga linya
Hayaang ang mga luhang ito
Ay maramdaman sa dula

Hawakan ang gitara
Hayaang ang katahimikang ito
Ay tugtugin ang iyong kanta

Dahil ang tunay na kailangan
Sa pagggawa ng obra
Ay ang
Pagmamahal at ang katumbas nitong mga luha
Pagiging totoo at ang katumbas nitong panghuhusga
Paglaban at ang katumbas nitong kabiguan
Pagiging malaya at ang katumbas nitong pagkakamali

Dahil sa likod ng bawat magandang likha
Ay isang mas makabuluhang istorya

You Might Also Like

0 comments: