filipino,

Literary: Exhibit

5/26/2018 08:41:00 PM Media Center 0 Comments





Pagkagising ko, sumalubong sa akin ang liwanag na hindi ko alam kung saan galing. Bumungad sa akin ang malaanghel na mukha na marahil ay galing sa langit. Taglay niya ang tsokolate na maalon-alon na buhok at bilugang mukha. Agad kong napansin ang makapal niyang kilay at mapungay na mga mata, tila kinakausap ako na tumayo na sa aking higaan. Napatingin ako sa matangos niyang ilong at mamula-mulang labi, tila nang-aakit na siya’y hagkan at yakapin.

“Good morning, Love! Magde-date tayo sa exhibit sa school ngayon!”

Agad akong natauhan at nawala ang pagiging makata ko. Oo nga pala, may date kami ni Ayesha ngayon.

“Sige, Love, si Mama ba ang nagpapasok sa ‘yo dito? Nakakahiya!” Agad ko siyang pinalabas sa kuwarto ko at pinaupo sa sala upang mag-almusal kasama ng kapatid kong si Chian.

Napatingin ako sa salamin sa aking banyo. Sabog na buhok dahil tamad akong magsuklay, puro pimples dahil sa stress kakasulat, malalaking eyebags kaaaral sa Math at tuyong mga labi marahil dahil nakakaligtaan ko ang pag-inom ng tubig. Napansin ko din ang panis na laway pababa sa labi ko. Nakakahiya naman kay Ayesha! Bakit ba ganito ang itsura ko?

Matapos ang tatlumpung minuto, nakapag-ayos na ako. Suot ko ang white T-shirt na bigay niya, itim na shorts, at ang paborito kong rubber shoes. Samantalang siya ay nakasuot ng floral na bestida at kulay rosas na doll shoes.

Agad kaming nagpunta sa school. Oo nga pala, itinatampok nga pala ang iba’t ibang klase ng art dito sa school na ginawa ng mga estudyate mula sa College of Fine Arts.

“Handa ka na ba, Love? Tumingin na tayo!” wika niya sabay hatak sa aking kamay.

Sa tuwing hinahawakan niya ang mga kamay ko, para akong nakukuryente. Tatlong buwan na kaming magkarelasyon pero mukhang hindi pa rin ako sanay sa presensiya ng babaeng ito. Tila naninibago ang katawan ko sa mga haplos at yakap niya, gayon din sa mga ngiti at titig niya sa aking mga mata.

Napakarami naming nakita roon. May mga malalaki at matitibay na sculptures, paintings na gawa sa acrylic paint, mayroon ding oil-based, drawings na gawa sa charcoal pencil, mga recyclable materials na ginawang damit, bag, at marami pang iba!

“Wow, grabe, ang ganda ng sculpture na ‘to!” sigaw niya habang kumukuha ng litrato gamit ang camera na dala niya. Totoo ang sinabi niya, napakaganda nga ng Machete sculpture, kitang-kita ang perpektong korte ng katawan ng isang lalaki, suot din ang damit ng isang sinaunang Pilipino. Sabi sa information sheet, ito ay gawa sa kahoy ng Narra kung kaya’t masasabi kong matibay at de kalidad ito.

“Thank you! Inabot kami ng apat na buwan sa pagbuo ng Machete,” sagot ni Rica, ang matalik niyang kaibigan sa Fine Arts.

Umikot pa kami. “Ang galing mo naman, kitang-kita na pinaghirapan mo ‘yan,” puri ni Ayesha kay Jerome, ang dati niyang kaklase noong high school na ngayo’y kasali rin sa exhibit.

“Salamat. Dalawang linggo ko rin ‘to pininta, ilang kape at tulog ang sinakripisyo ko para dito.” Napatingin ako at kitang-kita ang makukulay at magagandang pagkakahalo-halo ng mga kulay. Safari ang titulo ng painting na ito at oil-based daw ito. Grabe! Hindi lahat ng tao kasinggaling ni Jerome!

Naglakad-lakad pa kami at napuna namin ang stall na wala masyadong tao. Nakita ko ang natutulog na si Agatha habang hawak ang lapis niya. Sabi nila, siya raw ang pinakatamad sa klase ngunit pumapasa naman. Tiningnan ko ang stall niya, parang hindi pinaghandaan, walang kaayos-ayos.

“Excuse me? Hi! Ano ‘yung art exhibit na ipapakita mo?” bati ni Ayesha sabay ngiti.

“A-ah! May picture ka ba na gustong ipadrowing? Kayang-kaya ko ‘yung idrowing sa loob lang ng thirty minutes, detalyado,” sabi niya.

“Talaga?” bulalas ng mga tao sa likod namin, hindi sila makapaniwala na kaya itong gawin ni Agatha. Sa bagay, parang ang hirap naman kasing gawin ‘yun sa loob lang ng tatlumpung minuto.

“Sige. Ito ang picture, babalikan na lang namin, ha?” wika ni Agatha sabay abot ng instax film na hindi ko alam kung ano ang laman.
Kumain muna kami. Ganoon uli, ang paborito niya, kwek-kwek, fishball, kikiam, at gulaman. Ewan ko ba, iba talaga ang kasintahan ko sa lahat.

Pagbalik namin, pinagkakaguluhan na si Agatha.

“Ang galing! Teka, wala pang thirty minutes ‘yun! Grabe!”

“Napakadetalyado! Ang ganda!”

Napatingin ako sa iginuhit niya. Sabog na buhok, puro pimples, malalaking eyebags, at tuyong mga labi. Ako ‘yun! Katabi nu’n ay ang instax film na ibinigay ni Ayesha kanina! At doon ko napagtanto na ang liwanag kanina sa paggising ko ay liwanag mula sa flash ng kanyang camera!
“Ayesha naman! Ang pangit-pangit ko naman diyan, e!”

“Kung pangit, bakit hindi ‘yun ‘yung pinansin ng mga tao? Oo, sige, sabog nga buhok mo, puro pimples, malalaki ang eyebags, at tuyong-tuyo ang mga labi mo pero ‘yun ba ang pinansin nila? Hindi, ‘di ba? Ang pinansin nila e ‘yung de kalidad na gawa ni Agatha. Ganu’n din ako sa ’yo, Love, hindi ko pinapansin ‘yung itsurang meron ka, kasi ang puso at pagkatao ang tinitignan ko,” wika niya sabay hawak sa mga kamay ko.

Matapos ang exhibit, nakamit ni Agatha ang first prize sa drawing. Makikita sa exhibit niya ang mga guhit na puro mukha ng mga tao na nagpadrowing lamang sa kanya noong mismong araw na iyon.

Oo, hindi lahat ay may makinis na balat, magandang mata, at matangos na ilong. Ngunit hindi naman nasusukat ang pagiging tao sa ganoon, di ba? Nasa kalidad mo bilang tao ‘yun kung paano ka magmahal at umunawa.

At doon ko napagtanto na napakasuwerte ko dahil may kasintahan akong kagaya ni Ayesha.

You Might Also Like

0 comments: