abby lim,

UPIS, 5th Place sa PSYSC Science Olympiad

10/12/2019 08:00:00 PM Media Center 0 Comments



Pagkilala sa Mag-aaral ng UPIS sa PSYSC Science Olympiad. (from left to right) JP Coronado, Christian Sarabia, Marius Barcenas binigyan ng sertipiko ng pagkilala . Photo Credit : Christian Sarabia

Nakamit ng University of the Philippines Integrated School (UPIS) ang panlimang gantimpala sa Philippine Society of Youth Science Clubs (PSYSC) Science Olympiad na ginanap noong Setyembre 28 sa Institute of Civil Engineering, UP Diliman.

Ang PSYSC Science Olympiad ay isang taunang kompetisyon na sumusubok sa kaalaman ng mga estudyante sa Agham.

Nagkaroon ng elimination round noong Setyembre 7 sa Malay High School of Science kung saan sumagot ang bawat kalahok mula sa iba't ibang paaralan ng isang multiple choice test sa loob ng isang oras. Ang iskor na nakuha ng bawat indibidwal ay idinagdag sa kabuuang iskor ng kaniyang paaralan.

Ang mga paaralang nakakuha ng iskor na nasa Top 20 ay nakapasok sa preliminary round na ginanap din noong Setyembre 28 sa UP Diliman Institute of Civil Engineering. Dito, binigyan ang mga grupo ng tig-20 minuto para sa bawat isa sa limang istasyon. Ang limang istasyon ay isa-isang nagbigay-tuon sa Chemistry, Biology, Physics, Earth Science, at Information Science.

Ang Top 10 sa preliminary round ay nakapasok sa oral stage kung saan kinailangan nilang lampasan ang tatlong baitang - easy, average, at difficult. Ang bawat baitang ay nagkaroon ng pitong katanungan.

Nagkaroon ng 4-way tie para sa ikalawang gantimpala ang UPIS, Philippine Science High School (Pisay) Bicol, Pisay Main, at Pisay Western Visayas. Sa pagkakataong ito, nalamangan ng tatlong Pisay campus ang UPIS.

Sa huli, nakuha ng St. Jude Catholic School ang pinakamataas na gantimpala. Sumunod ang Pisay Bicol, Pisay Main, Pisay Western Visayas, at UPIS.

Naglahad din ang mga kalahok ng kanilang naramdaman sa pagsabak sa kompetisyon.

"Sa finals round 2, team orals, yung medyo nakakakaba since orals siya at ang daming nanonood sa inyo at makikita mo na rin [ang] progress ng ibang schools so ramdam talaga yung kaba, " sabi ni Barcenas.

"Alam na namin ito noon pa kaya buong taon naming [sinubukang] maghanda sa pamamagitan ng pag-alam ng iba't ibang facts at konsepto sa science. May pagkakaba tuwing [nalalapit na] ang event ngunit tuwing nandoon na sa mismong eksam o entablado, talagang nakapokus lang kami sa pagsagot nang maayos. Tulad ng nakararami, laging mayroong panghihinayang sa mga tanong na hindi nasagot o kaya nama'y pagbabago ng isip na nagbunga ng maling sagot, " pahayag ni Sarabia.

Naging hamon din para sa mga sumali mula sa grade 12 ang pagbabalanse ng pag-aaral para sa University of the Philippines College Admission Test at para sa kompetisyon ngunit ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya. //nina Abby Lim at Justin Polendey

You Might Also Like

0 comments: