filipino,

Literary: Maliit na Naninitsit

10/05/2019 08:34:00 PM Media Center 0 Comments





Ako si Caprio, bente anyos na binata. Ako ay taga-Quezon. Sa aming bayan ay napakaraming haka-haka at kwento tungkol sa mga kung ano-anong nilalang. Kagaya noong nangyari sa akin noong ako’y siyam na taong gulang.

Sa tuwing magkakasama kaming magkakaibigan, madalas kaming magpakuwento sa kapitbahay naming si Mang Kano tuwing dis-oras na ng gabi. Napakarami na niyang nabanggit sa amin tulad ng duwende, aswang, tikbalang, at iba pa.

Noon, takot na takot ako sa kanyang kwento habang tinatawanan ako ng aking mga kaibigan. Sabi ni ina kapag ipinanganak ka ng madaling araw ika’y likas ng matatakutin kaya siguro madali akong natakot.

Grabe ang halakhak ng aking mga kaibigan, inaasar lang nila ako dahil lamang sa aking pagiging matatakutin.

“Tama na ‘yang asaran mga bata. Basta tandaan ninyo na lamang na huwag magtitiwala kung kani-kanino ha. Saka, oo nga pala, pista rito bukas kaya’t magsimula na kayong magpahinga,” ika ni Mang Kano

Lahat kami ay tumungo at nangakong hindi magtitiwala sa hindi namin kilala.

“Sige na, umuwi na kayo. Maraming palaro at pagkain na handa ng ating mga kapitbahay.” dagdag ni Mang Kano
“Opo, Mang Kano!” wika naming lahat. At umuwi kami sa kanya-kanyang bahay habang nagtatakutan at nagsisigawan. Pagkarating ko sa aming bahay agad akong humingi ng paumanhin kay Ina dahil dis-oras na ako ng gabi nakauwi.
“Inay, paumanhin ngayon lang ako nakauwi. Galing po ako kina Mang Kano kasama ang aking mga kaibigan.”
“Sa susunod magpaalam ka kung matatagalan ka ng uwi. Pinag-aalala mo ako, Caprio. Sige, matulog ka na para matalo mo ang kalaban mo sa palaro bukas!”

“Opo, sarapan mo ang luto, Inay ah!”
“Aba, syempre, papadaig ba ako sa mga kapitbahay natin?” sabi ni ina na tunog palaban.

Pagmulat ng aking mata ay sumilip ako sa bintana. Nakita ko na ang buong bayan ay nagsisipiyestahan na. Mga bata’y naglalaro ng patintero, mga matatandang nagchichismisan! Agad akong kumain at naligo dahil para makapaglaro na rin ako. Pagkatapos kong manamit, kumaripas agad ako sa aking mga kaibigan nang makasama sila’y walang tigil ang tawanan at mga hiyawan.


“Maibaaaaaa, taya!”

“Taya ka, Caprio! Magbilang ka ng sisenta segundo. Habang kami’y nagtatago.” ika nila habang humahalakhak.

Dali-dali naman akong pumikit at humarap sa puno sabay bilang hanggang animnapu.

Habang ako’y nagbibilang, ramdam ko ang lamig sa paligid at para bang may tumatawa at naninitsit sa akin. Akala ko kaibigan ko lang ‘yon kaya tuloy-tuloy ako sa pagbibilang.

“ANIMNAPU!”

Pagharap ko’y madilim, walang katao-tao, nagmistulang abandonadong lugar ang aming bayan. Hinanap ko sila kung saan-saan ngunit walang bakas.

Sa dala ng katatakutan at mga kwento ni Mang Kano ay bumalik na lamang ako sa bahay upang sabihin kay Ina ang nangyari. Sa sobrang pagmamadali ko sa pag-uwi ay natapilok ako sa bato.

“Aray, ang paa ko!” hiyaw ko kasabay ng pagtawag ko sa aking ina.

Hindi ako makalakad nang maayos, natataranta na ako. Hindi ko na alam kung ano ang aking gagawin.

Maya-maya’y narinig ko na naman ang sitsit at tawa.
“SIno ‘yan?” tanong ko habang ako’y nanginginig sa takot

Tawa lang ito nang tawa, manipis, at parang pambata ang tunog.

Napapikit ako sa takot. Nanalangin na lang ako na matanggal ang sakit ng aking paa. Para ako’y makauwi na.

Ilang saglit ng mayroong kumalabit sa akin, binuksan ang aking paningin.

“Duwende!” hiyaw ko.

Gulat at takot ang nanaig sa akin dahil isa ito sa mga ayaw kong kwento ni Mang Kano dito pinakatumibok ang aking puso dahil sa takot. Ang pula ng kanilang pangangatawan at ang haba ng kanilang balbas at ang pinakabumagabag sa akin ay palagi silang nakangiti. Pinagmamasdan niya ang aking natapilok na paa. Nagulat na lang ako bigla nang biglang nagkalat siya ng itim na mga pulbura at ipinahid niya ito sa aking natapilok na paa. Kung ano-anong wika ang ginamit nito. Matapos ang ilang saglit…

“MAGALING NA AKO!” sabay takbo patungong bahay.

Kumaripas ako ng takbo at iniwan ang duwende nang hindi ako nakapagpasalamat. Binuksan ko ang pinto ng aming bahay.

“Caprio!” sigaw nilang lahat.

Muntik ako atakihin sa kaba. Ang iba kong mga kaibigan, kapitbahay at si Inay naroon. Pumasok si Mang Kano at nabalitaan niya raw ang nangyari sabi ng isa sa mga kaibigan ko. Kinuwento ko kaagad-agad ang nangyari. Sila ay tawa nang tawa dahil hindi naman daw talaga totoo ‘yon.

“Panakot ko lang sa inyo ‘yun iho! Haha!” dagdag ni Mang Kano.
“Hindi! Nakakita talaga ako!”
“Magpahinga ka na, Anak. bilin niya sa akin saka sinaway muli ang mga kaibigan ko. “Tigilan niyo na ang pananakot ninyo.”

Sa inis ay pumunta na lamang ako sa banyo at naghilamos ng mukha. Pagkadampi ng tubig sa aking mukha ay nahilo na lamang ako bigla, naghalusina parang ang mga bagay ay nag-iiba ng kulay, umiikot at nag-iiba ng hugis. Tiningnan ko ang aking sarili sa salamin ngunit parang lahat ay natutunaw, nag-iiba ang kulay at ang tawa at sitsit na naman ng pambihirang duwende na iyon ay nakakarindi. Ilang minuto ay tumigil ito, lumabas ako ng banyo at wala na namang tao.

“Inay? Nasaan po kayo?”

Lumabas ako ng bahay at nakakita ako ng nakakalat na itim pulbura na may pagkakahawig sa ginamit sa aking ng duwende upang mapagaling ang aking paa. Ang mga pulbura ay patungong gubat. Ako ay nangatog sa takot. Ngunit wala akong magawa kundi sundan na lamang ito.

Pagkarating sa kalagitnaan ng gubat ay nagkalat ang mga langaw at mayroon akong naamoy na masangsang na amoy. Pinagpatuloy ko ang paglalakad at dito ko nakita ang mga nagkalat na putol na katawan ng aking mga kaibigan, kapitbahay. Sa tabi ng isang puno ay mayroon isang hukay, naroon ang katawan ni Ina. Hati-hati, nagsitaasan ang mga balahibo ko at natulala na lang, tila naubos ang emosyon sa katawan. Mayroong kumalabit sa akin, pagkatalikod , nakita ko ang duwende. Nakangiti. May halo ng lupa at dugo ang kanyang kamay.
………………
“Bago na naman bang storya ‘yan Caprio?” tanong ng nars.
“Opo.”
“Tungkol saan?”
“Sa duwende.”
Napabuntong-hininga na lang ang nars.

You Might Also Like

0 comments: