Calico,

Literary (Submission): Hintay

10/31/2019 07:50:00 PM Media Center 0 Comments





Kaming mga bitui’y sumisilip sa langit
Nakatingin sa isang batang paslit
Na unti-unting binabalot ng kadiliman
At niyayakap ng malamig na tubig ulan

Siya’y dumaan sa gubat at umupo sa tulay
Tila naghihintay, para sa kanyang inay
Dito, sa lugar na ’to—dito siya lumisan
Dito rin sa lugar na’to siya’y aabangan

Tiniis niya ang lamig at kirot ng tiyan
At ang buntong hininga’y pinakawalan
Parang kaluluwang walang patutunguhan
Hinihintay ang taong ‘di siya babalikan

Kinagat ang labi’t tumingin sa kalawakan
Kami’y sinigawan, pati na rin ang buwan
Nagmamakaawang makita niya muli
Ang inang kay tagal na niyang minimithi

Sa isang iglap niya’y dumilim ang lahat
Ngunit ang mata ng bata’y tila nakadilat
Tumahimik ang lahat, tumigil ang ulan
Nagsama na ang anak at ilaw ng tahanan

You Might Also Like

0 comments: