filipino,

Literary: Masid

10/05/2019 08:42:00 PM Media Center 0 Comments





Ginawa ko ito para sa’yo, ang babaeng minamahal ko.
Mula sa malayo, pinagmamasdan ko
ang ‘yong buhok na mahaba, ang ‘yong kamay na maganda,
ang ‘yong damit na simputi ng bulak,
pati na rin ang ‘yong mga mahihinhing paggalaw.

Araw ko’y ‘di nakukumpleto sa t’wing ‘di ka nakikita.
Lagi kitang inaabangan sa puno,
kung saan lagi kang nakatambay,
mamuti man ang mga mata kong namumula, kahihintay
sa ‘yong pagdating, kahit malapit nang sumilip ang araw.

Hindi man ako humithit ng tabako,
wala man akong matakot na bata,
titigan lang kita’y masaya na ako,
pero sino ba ang dahilan ng pagkalungkot mo?
Nakapapagod na kasing marining ang mga pigil na hikbi mo.

Simula noong una kitang makita, hanggang ngayon,
hindi ko pa nakikita ang ‘yong buong mukha
sapagkat lagi itong natatakpan ng ‘yong mga kamay.
Mga kamay na sumasalo sa mga luha
mong nahuhulog mula sa ‘yong mga mata.

Labis siguro ang pighati na ‘yong nadarama,
pagdating na pagdating mo kasi sa puno’y
tila ba nanghihina ang ‘yong binti sa bilis nang ‘yong pagkakaupo.
Kasabay nito ang mga buntong-hininga mong malalim
at ang paghawi mo ng ‘yong mahabang buhok.

Nais kong bumaba mula sa aking kinauupuan.
Hangad lumapit ngunit hindi ako sanay sa lupa.
Kailan ka kaya tatambay rito nang hindi umiiyak?
Para naman makita ko ang ‘yong magandang
ngiti’t hitsura.

Pagdating ng araw na ‘yon,
kung kailan wala nang mga kamay
na nakaharang sa mukha mo,
may pag-asa kaya na tumingala ka’t
mapansin ako?

You Might Also Like

0 comments: