Liane Bachini,

Sports: UPIS Volleyball, kinapos kontra FEU

10/12/2019 08:10:00 PM Media Center 0 Comments



Nauwi sa standing na 0-6 ang University of the Philippines Integrated School (UPIS) Girls Volleyball Team matapos ang kanilang huling laro sa 1st round ng UAAP Season 82 laban sa Far Eastern University (FEU) Tamaraw Girls na may iskor na 19-25, 18-25, 23-25, noong Setyembre 29 sa Blue Eagle Gym.

Naging dikit ang laban sa unang set ng laro. Nakasabay ang UPIS sa lakas ng FEU ngunit hindi ito sapat kaya't natapos ang set sa iskor na 19-25 pabor sa FEU.

Sa simula pa lamang ng pangalawang set ay umarangkada na ang FEU. Tila nagulat ang Maroons sa mabibilis na atake ng Tamaraws, na maaaring naging dahilan ng sunod-sunod na error ng UPIS.

Naging 13 ang lamang ng FEU sa UPIS sa iskor na 6-19. Bumawi ang UPIS at napaliit ang lamang sa iskor na 17-23.

Hindi pa rin nagpasindak ang Tamaraws at nakuha nila ang pangalawang set sa puntos na 18-25.

Binuhos ng UPIS ang kanilang makakaya sa huling set at naging dikit ang laban sa pamamagitan ng mas agresibong mga pagpalo. Dito na rin sila nagpakawala ng sunod-sunod na service aces upang matapatan ang FEU. Ilang beses ding nagtabla ang iskor ng dalawang koponan ngunit nanaig pa rin sa huli ang FEU sa iskor na 23-25.

Nanalo ang FEU, 3-0 sa kanilang pagtutuos.

"Para sakin, yung game namin last Sunday ay isang improvement from our past games. Mas naging maganda ang galaw namin sa court at ang communication pero kahit pa ganoon kulang pa rin ito para makapanalo kami ng isang laro," mula sa Team Captain na si Alizia Marquez ng UPIS Girls Volleyball Team. //nina Liane Bachini at Roel Ramolete

You Might Also Like

0 comments: