feature,
Feature: 6 na yugto ng pag-amin kay crushie
Parte ng high school life ang magkaroon ng crush. Ang crush ay ang paghanga sa isang taong nakapagpapangiti sa'yo, nakapagpapatawa, at nagsisilbing inspirasyon sa'yo. May ibang estudyante na ginagawang motibasyon ang kanilang crush. Hindi mabubuo ang araw nila hangga't hindi nila nasusulyapan o tinutunaw sa titig ang kanilang hinahangaan.
Bilang estudyante rin akong nararanasan ang pagkakaroon ng crush, narito ang anim na yugto sa pag-amin kay crush.
1. LAGI DAPAT FRESH
Syempre, hindi dapat puro confidence lang, dapat may looks din! Bago magpakita, o makatabi si Crushie, mag-ayos ayos ka lang. Hindi naman kailangang super pretty, basta presentable. Iyong mapapansin ni Crush na blooming ka, gano’n! Magsuklay ka ng buhok, tamang retouch lang ng make-up. Siguraduhin na 'di oily ang face mo. Sa paraang ito, may chance na mapansin ka ni Crush.
Mapapaisip siya na "Ay, ang ganda naman niya ngayon.." o 'di kaya'y "Ay, ang papi naman niya today."
2. MAGPAPANSIN PERO SLIGHT LANG
'Wag mong sobrahan ang pagpapansin mo at baka mairita lang siya sa'yo. 'Wag rin namang sobrang subtle lang dahil baka hindi ka naman niya mapansin. Dapat tama lang, slight lang, gano'n!
Pupwede kang mag-recite sa klase para mukha kang matalino sa paningin niya. O 'di ba? Napansin ka na ni Crushie, tumaas pa ang grade mo! Pwede ka ring magtanong sa kanya kapag may hindi ka naintindihan sa discussion, o kung wala ka nang maisip na itanong, subukan mong tanungin kung anong petsa ngayon.
Para naman sa mga long distance crushie o ang mga taong hindi kaklase ang kanilang crush sa pamamagitan ng pagngiti sa kanya sa hallway, o 'di kaya'y pagkaway.
3. MAKIPAGKAIBIGAN BAGO MAKIPAGKA-IBIGAN
Para sa akin ito ang pinakaimportanteng stage sa pag-amin kay Crushie dahil ito ang magiging pundasyon niyo. Dito kayo magkakaroon talaga ng koneksyon.
Kapag nakausap mo na siya o naka-chat sa stage ng pagpapansin, subukan mo nang makipagkaibigan. Subukan mong mag-open up o magkuwento sa kanya, ngunit mag-ingat ka! Huwag agad malalim at personal ang ikwento mo sa kanya, dahil baka mawindang siya.
Magkwento ka ng mga bagay na nangyari sa'yo, mga bagay na nakakatawa, at ang pinakaepektibo, magkwento tungkol sa mga interes niya. Sa stage na ito, kailangang may interaksyon kayo. Hindi lang dapat ikaw ang kwento nang kwento, dapat ay nagbabahagi rin siya ng mga kwento niya.
4. MAGBIGAY NG HINT
Kapag nakabuo na kayo ng friendship, pwede ka nang magbigay ng mga hint at clues na crushie mo nga siya. Kagaya ng pagpapansin, kailangan sakto lang ang pagbibigay mo ng hints. 'Wag masyadong OA dahil baka mag-assume siya, matakot bigla, at i-ghost ka na. 'Wag rin masyadong subtle dahil baka hindi man lang niya maramdaman ang gusto mong maramdaman niya.
Kailangan 'yong mapapaisip siya na "Crush kaya ako nito?" Hindi 'yong makakapaghinuha siya agad.
Ang mga halimbawa nito ay ang paggamit ng pick-up line, ngunit kung gagamit ka nito kailangan ay laging smooth ang pagkakasabi mo.
Ang stage na ito ay kung kailan nagpapahayag ka na ng iyong pag-amin, pero dinaraan mo lang sa biro. Dito mo na magagamit ang salitang "Charot lang!"
5. PAGTATAPAT
Pagkatapos ng 4 na stages, narito na ang pinakahihintay mo. Itong stage na ito ay kailangan ng matinding paghahanda sa sarili. Pumikit ka muna, huminga nang malalim, bago i-send o sabihin sa kanya na "Crush kita."
Isang payo lang kapag narito ka na sa stage na ito, linawin mo sa kanya na hindi mo siya pine-pressure na maging crush ka rin niya at hindi ka umaasa na magiging kayo. Sinasabi mo lang talaga kung anong nararamdaman mo. Sa paraang ito, hindi siya matatakot at ma-ooverwhelm.
6. PAGTATANGGAP
Pagkatapos mong umamin ay magkakaroon ng kaunting katahimikan. Maiksi para sa kanya, napakatagal para sa'yo. Ito ang paghihintay ng isasagot niya.
Kapag na-reject ka, kailangan mo lang tanggapin dahil wala ka namang magagawa roon. Kapag naman umamin rin siya sa'yo, eh 'di masaya! //ni Therese Aragon
0 comments: