filipino,

Literary: LARO TAYO

10/14/2019 08:35:00 PM Media Center 0 Comments





Tagu-taguan maliwanag ang buwan
Masarap maglaro sa madilim na bakuran
Pagkabilang ko ng sampu, nakatago na kayo
Isa! Dalawa! Tatlo! Apat! Lima! Anim! Pito! Walo! Siyam! Sampu!

Iyan ang huli naming nilalaro
Bago ako mawala sa kadiliman.
Napunta ako kung saan man
Nais ko nang magtago
Ngunit natatakot ako

Isa...dalawa...tatlo...psst
Psst...
Laro tayo
May bumubulong sa akin,
Ayaw ko itong pakinggan

Isa...dalawa...tatlo…psst
Nais ko nang tumakbo ngunit wala
Nawawala ako
Psst...psst...
Bilis, laro tayo
Ayaw ko,
Gusto ko nang umalis
Hindi ko alam kung saan ako patutungo
Ang dilim
Sumama ka sa akin
Malapit nang matapos ang bilang

Apat...lima...anim...
Hindi,hindi ako makikinig sa'yo
Lumayo ka sa akin!
Sumama ka na
Wag mo nang takpan iyang tainga mo

Pito...walo...siyam...
Hindi ko 'to tatanggalin
Buksan mo na iyong mga mata
Matatapos na ako,
Gusto kong magtago pero anong gagawin niya sa akin 'pag hindi ko siya sinunod

Bilisan mo, mabait ako sa mga masunurin kaya gawin mo
Ayaw ko…Ayaw ko…pero...
pero baka may gawin siya
Sampu!
Bahala na kahit madilim, bahala na kung saan ako mapunta
Tatakbo na ako!

Humph...humph...humph…
Buti isang panaginip lamang iyon
Ngunit nasaan ako?
Nasaan ang aking mga kaibigan?
Ang huling kong natatandaan,
naglalaro lamang kami

Anong nangyari?
At bakit may gustong makipaglaro sa akin,
Ngunit hindi ko siya makita
Bakit napakadilim?
Psst…psst..

You Might Also Like

0 comments: