filipino,

Literary: Pumapatak ang Luha

9/01/2018 09:26:00 PM Media Center 0 Comments





          Pangalawang Sabado na ito na kasama ko ang aking pamilya, papunta na naman sa kung saang destinasyon. Ngayon ko lang uli nakasalamuha ang mapayapang hangin ng umaga. Ngayon ko lang uli napanood ang pagtago ng mahinhin na buwan at ang pagbibigay-daan ng mga bituin sa pag-usbong ng liwanag ng araw.

          Ipinikit ko ang aking mga mata, pinakinggan ko mula sa likod ng sasakyan ang bawat hiningang inilalabas at ang paglanghap ng hangin ng aking natutulog na kapatid at mga magulang. Sa aking pagmulat, sinundan ko ang bawat pagtaas at pagbaba ng kanilang mga dibdib.

          Ang aking pagngiti ay pilit. Naiinggit sa madaling paghinga ng mga tao sa aking paligid. Kailan ko kaya muli mararanasan ang maayos na pagdaloy ng hangin sa aking paghinga?

          Sinubukan kong sundan ang mapayapa’t madaling paghinga ng aking ama’t ina. Sa bawat paglabas ng hangin ay parang mas nanginginig ang aking katawan, ang aking mga kamay ay nanghihina.

          Parang alon. Maalat at mabagsik. Parang nalulunod ako sa gitna ng karagatan sa bawat hiningang pinipilit. Bumibigat lalo ang aking dibdib. Bakit ba iba ang nadarama sa tahimik at payapang umaga tulad nito? Bakit wala akong maramdaman?

          Natatandaan ko pa noon, parang hawak ko ang mundo, nakokontrol ko ang bawat galaw ko at ang takbo ng isip ko. Ngunit ngayon…

          Ngayong napagtanto ko na hindi ganoon ang buhay, parang tinanggalan ako ng baga. Bawat minuto’y nalulunod ako, bawat alon ay mas dinadaganan ang pakiramdam sa aking dibdib. Paunti-unting pinapatay ang kapayapaan na akala ko’y mayroon ako.

          Hindi ito ang huling beses na lalabas ang mga luha dahil wala akong maramdaman, alam ko iyon. Hindi ito ang huling beses na malulunod na naman ako at walang makaririnig ng aking pag-iyak (dahil siguro’y sinasadya ko na hindi ito marinig ng mga tao sa aking paligid). Pero alam ko rin na hindi ito ang huling beses na susubukan ko ang lahat upang bumangon uli. Hindi ko hahayaang ito ang maging huling beses dahil gusto kong maramdaman na ako’y nakangiti muli.

          Kaya’t ihahanda ko ang aking sarili sa paparating na naman na mga alon. Ihahanda ko ang aking sarili sa bawat patak ng luha.

You Might Also Like

0 comments: