geraldine tingco,

Sports: UPIS, sumabak sa Milo Little Olympics

9/05/2018 07:34:00 PM Media Center 1 Comments



LUSONG. Buong lakas na lumaban si Alonzo Cristobal sa kaniyang event noong Milo Little Olympics. Photo Credit: Marco Sulla

Pinatunayan ng mga manlalaro ng University of the Philippines Integrated School (UPIS) ang kanilang husay sa palakasan sa 31st Milo Little Olympics National Capital Region (NCR) Leg noong Agosto 25 at 26 sa Marikina Sports Center.

Humataw sa paglangoy si Junior Tanker Maria Consuelo Neri na humakot ng dalawang gold mula sa Girls 4x100m at 4x50m medley relay, isang silver mula sa Girls 100m breaststroke, at dalawang bronze sa Girls 200m freestyle at 200m breaststroke.

Kasama niyang nag-uwi ng sandamakmak na medalya ang swim team. Nakapag-ambag ng isang gold at tigalawang silver at bronze si Joshua Luc Sedurante. Parehong nakakuha ng tig-isang gold at tigalawang silver sina Keanne Nuevas at Rikki Melencio. Isang gold, dalawang silver, at isang bronze naman ang kay Alexa Natividad. Tigalawang gold naman ang nasungkit nina Julia Mapa, Franz Joves, at Angela Claire Torrico. Tig-isang gold at silver naman ang kina Polo Uera at Isabel Baclig. Dalawang silver ang nakuha ni Miguel Diaz. At isang gold ang naiuwi ni Mark Lazaro.

Nakapagkamit naman ng tig-iisang gold ang elementary students na sina Alyssa Sedurante, Lyka Monares, Aleah Halabaso, at Julia Halabaso. At tig-iisang silver naman ang nakuha nina Frances Halabaso at Sherina Abogado.

Samantala, sa track and field, nakasungkit si Junior Dashing Maroon Josh Sabido ng silver sa 5000m run. Isang bronze naman ang natamo ni Kobe Cuerdo sa 400m hurdles.

Lumahok din sina Roni Kessel at ang magkapatid na Alex at Rico Tercio para sa taekwondo ngunit nabigong makakuha ng medalya.

Kung susumahin, 40 ang naiuwing medalya ng UPIS sa dalawa sa tatlong isport na sinalihan nito.

“Hindi ako nakuntento sa aking paglangoy dahil hindi ko napaghanda[an] nang maayos ang nasabing paligsahan. Marami pang pag-eensayo ang kailangan dahil ang naging resulta ng aking langoy ay hindi uubra sa paparating na UAAP,” panayam kay gold medalist Nuevas.

Kahit na dalawa lamang ang nakapag-uwi ng medalya sa track and field, masaya si Sabido na marami sa kanila ang nakatalo sa personal best at doon pa lang ay panalo na raw sila.

Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya si Kessel sa pagkatalo sa taekwondo.“Sa tingin ko, ang laro ko sa Milo ay hindi ang pinakamahusay ko. Hindi wasto ang pinili kong game plan.”

Ang Milo Little Olympics ay kasalukuyang kinapapalooban ng 15 isport. Taunang kompetisyon ito na bukas sa lahat ng mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya sa buong bansa.

Sa Nobyembre, sasabak ang Junior Tankers at Junior Dashing Maroons sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 81, habang pinaghahandaan naman ng taekwondo ang National Interschool Taekwondo Championship sa darating na Setyembre 29.//nina Ronnie Q. Bawa Jr., Yanna Reblando, Marco Sulla, at Geraldine Tingco


You Might Also Like

1 comment:

  1. UPIS table tennis girl's team won 2nd place in the high school division held in Marist Scho. Acknowledge them too. Ty

    ReplyDelete