cedric creer,

Opinion: Gadon, Huwag Tularan

9/11/2018 07:07:00 PM Media Center 0 Comments



Photo Credits: Marco Sulla 
Naging matunog ang pangalan ni Atty. Larry Gadon ngayon dahil sa bago niyang tagline na “Ang mga [tao/grupo] ay hindi mga bobo.” Nagmula ito sa pagkalat ng isang video niya kasama ang ilang estudyante at kaniyang sinasabi na “hindi sila mga bobo” sa isang event sa De La Salle University-Dasmariñas. Maraming kabataan ang natuwa rito na naging dahilan ng pagsikat ng isang “challenge” na ginaya rin sa ibang paaralan.

Ngunit ang kakatwang kataga na ito ay hindi nagsimula sa nakatutuwang bagay, kundi sa isang nakaiinsultong katagang galing mismo kay Atty. Gadon.

Bago ang masasayang video na ito, naunang naging viral ang isang clip kung saan tinawag niyang “bobo” at tinaasan ng kaniyang hinlalato ang mga tagasuporta ng noo’y punong mahistradong si Maria Lourdes Sereno. Nangyari ito habang sila ay nagrarali bilang pagtutol sa impeachment complaint kontra kay Sereno. Galit ang namuong emosyon sa mga tagasuporta ng dating chief justice sa inasal ni Atty. Gadon na nagbunsod ng paghahain nila ng disbarment case laban dito.

Ngunit hindi lamang ito ang naging kontrobersiya ng sikat na abogado sa ngayon.

Una na sa listahan ay ang pagiging bahagi niya ng legal team ng dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo na sangkot isa iba’t ibang isyu ng katiwalian. Ngunit pagkatapos ng apat na taon, umalis siya sa grupo upang tumakbo bilang senador sa 2016 elections sa ilalim ng partidong Kilusang Bagong Lipunan (KBL) na kilalang may kaugnayan sa dating diktador na si Ferdinand Marcos na nagpahirap sa maraming mamamayan. Kinilala rin niya ang kaniyang sarili bilang isang “true-blooded Marcos loyalist.”

Noong 2016 elections naman, nang nakapanayam ng GMA News TV si Atty. Gadon, lumabas ang pahayag niya tungkol sa mga Muslim:

"Sampung beses akong luluhod [sa Moro Islamic Liberation Front para huwag nang manggulo], iiyak ako ng bato at dugo. Kapag labing-isang pagkakataon na at tumanggi pa rin sila, lulusubin ko sila doon at dadalhin ko ang buong sandatahang Pilipinas at papatayin ko silang lahat, susunugin ko ang bahay nila. Burahin ang lahi nila, kahit masunog ang kaluluwa ko sa impiyerno gagawin ko 'yan."

May iba pa siyang mga kontrobersiyal na pahayag tulad ng pagpapanukala na magsilbing special prosecutor si Pangulong Duterte sa impeachment trial ni Sereno na malinaw na magsasaalang-alang sa separation of powers at checks and balances ng magkakahiwalay na sangay ng pamahalaan.

Samu’t saring pambabatikos ang natanggap niya dahil sa kaniyang mga pahayag. Ito ang nagsilbing batayan upang magsampa ng disbarment case sina Atty. Algamar Latiph at Atty. Musa Malayang laban kay Atty. Gadon. Sa kasamaang palad, wala pa ring nangyayaring pag-usad sa mga kasong ito.

Hindi maikakaila na popular sa ngayon si Larry Gadon. Ngunit sa mga kumakalat na kakatwang video niya, tila nakalimutan na ng sambayanang Pilipino ang kaniyang mga isyung kinasangkutan. Nakalulungkot isipin na dahil lamang sa isang mababaw na bagay ay natabunan na ang mga malalang bagay na sinabi niya―tulad ng pagbabanta niya na uubusin niya ang lahi ng mga Muslim upang magkaroon ng katahimikan sa Mindanao, at ang panlalait at pagmumuwestra niya nang di-maganda sa kapwa lalo na’t isa siyang propesyonal na abogado.

Bakit ba ang bilis nating makalimutan ang pagkakamali ng isang tao sa pamamagitan lang ng pagsasabi niya ng mga bagay na sa tingin natin ay nakatutuwa kahit hindi naman dapat? Ganoon na ba tayo kadesperadong maging masaya kahit sa mga walang kuwenta at panandaliang bagay lamang? Hindi ba’t mas nakatutuwa kung magiging masaya sa isang bagay na alam ng mga tao ay tama at nakabubuti sa lahat?

Dapat ay maging mapanuri tayo sa ating mga nakikita at napapanood. Huwag lamang nakikiayon sa kung ano ang uso. Tingnan nang mabuti kung ano ba ang mga sanhi at magiging resulta ng mga aksiyon at lagi sanang isaisip at isabuhay ang tama.

Hindi dapat idolohin si Atty. Gadon at ang mga taong katulad niya na mas inuuna ang kagustuhang sumikat kaysa magsalita at kumilos nang tama at isaalang-alang ang kaakibat na responsibilidad ng kanilang posisyon. Dapat ay maging kritikal tayo sa mga ipinapahayag ng iba at maging responsable rin sa kung ano man ang ating sasabihin. Kung magkamali man dapat ay aminin, humingi ng tawad at tanggapin kung ano man ang kaparusahan nito. //nina Cedric Creer, Francis Eloriaga, at Marlyn Go

You Might Also Like

0 comments: