angel dizon,

Buwan ng Wika at Kasaysayan 2018, pinasimulan

9/11/2018 07:04:00 PM Media Center 0 Comments



ISIP. Malalim na nag-iisip ang mga kalahok sa ikalawang round ng Tagis-Talino sa Grado 10-12. Photo Credit: Keio Guzman
Opisyal na binuksan ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kasaysayan na may temang “Kasaysayan at Wikang Filipino: Paghubog ng Kamalayan para sa Makataong Lipunan” noong Agosto 14, oras ng flag ceremony, sa University of the Philippines Integrated School (UPIS) K-2, 3-6, at 7-12.

Isa sa mga patimpalak na ginanap ay ang paggawa ng Advocacy Wall. Bumuo ang bawat klase ng Grado 3 hanggang 11 ng kani-kanilang Advocacy Wall, sa anyo ng isang infographic, na naaayon sa iba't ibang temang itinakda sa bawat grado. Ilang halimbawa ng mga temang ito ay ang Kontemporaryong Isyung Panlipunan para sa Grado 10 at ang Misedukasyon ng mga Pilipino naman para sa Grado 11. Maaaring mabasa ang mga adbokasiya ng Grado 3-6 sa Bulwagan at ng Grado 7-11 sa pasilyo ng Gusali 7-12.

Naganap naman ang taunang Tagis-Talino noong Setyembre 4 para sa hay-iskul sa UPIS Gym. Sa taong ito, magkahiwalay ang mga kalahok ng Grado 7 hanggang Grado 9 at ng Grado 10 hanggang Grado 12. Hinati ang mga kalahok ng bawat grado para makabuo ng anim na grupo na nakipagtunggali sa isa’t isa sa loob ng tatlong round. Sa bawat round kailangang masagot ng mga estudyante ang mga tanong na nagmula sa mga nakapaskil na Advocacy Wall at sa mga napapanahong isyu.

Para sa Grado 7 hanggang 9, nagwagi sina Wynelle Llaguno (7-Earth), Dana Andrea Sedurante (8-Honeybee), at Onise Carry Manas (9-Gold) ng Pangkat 6. Sa Grado 10 hanggang 12 naman, nanalo sina Justin Polendey (10-Dao), Alizia Marquez (11-Sycip), at Wenona Catubig (12-Kalayaan) ng Pangkat 1.

Samantala, ang Tagis-Talino naman sa 3-6 ay ginanap noong Setyembre 6 sa Bulwagan. Pangkat 5 ang nagtagumpay na binubuo nina Sean Ian Uchi (3-Lawa), Jorge Angelo Parreno (4-Labanos), Justine Aguinaldo (5-Halcon), at Rachelle Marie Bueno (6-Jade).

Ang sumusunod ay ang mga patimpalak ng iba't ibang grado na mula Setyembre 7 hanggang 14: Kilos-Awit ng Grado 3, Sayawit ng Grado 4, Dulawit ng Grado 5, Pistang Bayan ng Grado 6, Madulang Sabayang Pagbigkas ng Grado 7, Saling-Awitan ng Grado 8, Etnikong Tugtugin ng Grado 9, Sayawit ng Grado 10, Ekstemporaneong Talumpati ng Grado 11, at Debate ng Grado 12. Kikilalanin ang mga magwawagi sa Setyembre 18 na magsisilbing pagtatapos ng pagdiriwang. //nina Angel Dizon at Keio Guzman

--------------------
Erratum: Magkakagrupo dapat sina Polendey, Marquez, at Catubig bilang Pangkat 1 sa Tagis-Talino Grado 10-12 ngunit liban si Polendey sa araw ng paligsahan. Ang nagwagi sa Grado 5 ay si Justice Aguinaldo sa halip na Justine.

You Might Also Like

0 comments: