filipino,
Literary: Sablito
Limang taong gulang pa lang siya noong unang beses siyang pumasok sa UPIS. Tahimik. ‘Di gaano nagsasalita. Wala siyang kaalam-alam sa mangyayari sa hinaharap. Wala siyang kaalam-alam na ang unang tapak niya sa UPIS ay unang tapak niya na rin sa pangalawa niyang tahanan.
KAT noon.
Pinagsisintas siya ng sapatos. Sabi niya, “ayaw ko na.” Sinong mag-aakala na sa halos 13 taon niya rito, “ayaw ko na,” ang linyang paulit-ulit niyang sinabi.
Ayaw ko nang mag-aral. Ayaw ko nang pumasok. Ayaw ko nang gumising nang maaga.
Pero ayan siya, nag-aaral hanggang madaling araw, kumpleto ang attendance at maaga pa rin kung gumising.
Pagod
Sabi nila, kapag nasa tahanan ka na, doon mo mararamdaman na payapa ang mundo mo, walang kahit na anong mabigat na pakiramdam. Kapag daw nasa tahanan ka na, mararamdaman mong buhay na buhay ka kasi nakapaligid sa’yo ang mga taong mahal mo at nandiyan lang sila sa tabi mo. Pero bakit ganoon? Nasa UPIS naman siya 4 na beses sa 1 linggo, nasa ikalawang tahanan siya pero bakit ang bigat bigat ng nararamdaman niya? Ang bigat pagsabay-sabayin ng pag-aaral, pagiging anak, pagiging ate. Wala na siyang oras para sa sarili niya kundi ‘yung tulog--tulog na madalas kulang pa at hindi umaabot ng 8 oras. Palagi siyang pagod.
Pero nakita mo ba na ‘yung paslit na unang beses tumapak sa gusali ng k-2 noong 2007? Ito na oh, malapit nang makalabas. Tapos na sa K-2, tapos na sa 3-6, nakapaghakbang na noong 2013, tapos na sa mga prom, tapos na sa thesis niya at ngayo’y malapit nang matapos sa UPIS. Naalala mo pa ba kung gaano siya kapagod? Oo, pero alam niyang magiging worth it sa dulo, kaya siya nagpatuloy.
Buhay
Parati niyang tinatanong, “buhay nga ba ako?” Mali, mali--
“Lahat nga ba ng humihinga ay buhay pa?” Naguguluhan siya. Hindi na niya maramdaman ang sarili niya. Nawawala na siya sa landas. Hindi niya na rin alam kung anong nangyari, maayos naman ang simula niya rito sa UPIS pero bakit sa kada taong lumilipas parang hindi na niya alam kung karapat-dapat ba siyang mag-aral dito.
Uulitin ko, buhay pa nga ba siya? Ano bang pinagkaiba ng patay at buhay? Humihinga ang buhay pero ang patay, hindi? Bakit siya? Buhay naman yata siya dahil humihinga siya pero pakiramdam niya patay na siya dahil sa dami ng kanyang iniisip. Kumalas na yata ang kaluluwa niya sa katawan niya.
Pero nakita mo ba ‘yung taong palaging nagtatanong kung buhay pa ba siya? Kay ganda niyang pagmasdan habang suot ang sablito niya noong araw ng grad pictorial. Mula sa diretso niyang buhok, kumikinang na mga mata at matamis na ngiting bumagay sa suot niyang kimona.
Ngayon, napagtanto niya na lahat ng “pahirap” na ito ang humulma sa akin sa kung sino ako ngayon...Oo, sa bagong ako. Ang taong tinutukoy ko kanina ay ang dating ako. Nabuhay ako sa mga salitang “ayaw ko na,” na nagpatuloy sa akin sa halos 13 taon. Araw-araw puro ayaw ko na pero sigurado ako na kahit humihinga ako at patay na ang kaluluwa ko, mabubuhayan itong muli kapag nasuot ko na ang kay tagal kong hinintay na sablito.
0 comments: