filipino,

Literary (Submission): Demonyo

11/30/2019 08:34:00 PM Media Center 0 Comments





Prinsesa ka,
At kahit gaano ko man naisin--
Kahit gaano ko gustuhin na maging prinsipe ;
Ako'y dukha
Naritong itinakda bilang hamak na tagahanga lamang
Ngunit hindi pa rin nagsasawang bigyan ka ng suporta

Ikaw ang langit,
At kahit gaano ko man gustuhing maging ibong
Itinakdang damhin ang iyong mga yapos,
Ipinanganak akong bulate.
Gayong hindi ako itinakdang lumipad sa himpapawid,
Narito akong parati pa ring tinatanaw ang bughaw na kalangitan

Ikaw ang araw
Na nagbibigay buhay sa lahat ng nasa daigdig
At gaano ko man naising maramdaman ang iyong sinag
Ako ang buwan
Kaya't ito ako, pinipilit na matanaw ka man lang nang sandali
Sa tuwing sumasapit ang bukang-liwayway.

Marahil hindi tayo itinadhana
Ngunit sino ba naman ako para dinggin ang itinakda ng langit
Mauunawaan ko na ikaw ay susunod sa boses ng langit
Sapagkat anghel kang bunga ng himpapawid
Ngunit kung gayon, ako'y demonyo
Handang wasakin ang itinaga ng kapalaran sa bato
Sapagkat ano pa nga bang ibang mahalaga
Ano pa nga bang pwersa ang mangangahas na maudlot ang silakbo ng damdamin
Gayong minamahal kita

You Might Also Like

0 comments: