angel dizon,
Mga kinatawan ng UPIS Media Center nakasungkit ng pwesto sa Tagisan 2019
Ang mga kinatawan ng UPIS Media Center (MC) mula sa kaliwa, James Tolosa, Pam Marquez, Magan Basilio, at Eda White, kasama si Bb. Shari Niña Oliquino, isang tagapagsalita sa Tagisan at dating kasapi ng MC. Photo credits: Bb. Shari Niña Oliquino.
Nakamit ng mga kinatawan ng UPIS Media Center (MC) ang third-runner up sa Tagisan 2019 na ginanap noong ika-9 ng Nobyembre sa Palma Hall, UP Diliman.
Apat na estudyante mula sa MC 2020, 2021, 2022, ang lumahok sa patimpalak na pinamagatang Tagisan 2019: Likha, Lathala, Laya. Kabilang sa pangkat si James Tolosa ng 12-Katatagan, sina Pam Marquez at Magan Basilio ng 11-Barros, at si Eda White ng 10-Apitong. Nagsilbi naman sina Prop. Cathy Atordido at Prop. AC Nadora bilang tagapayo ng kanilang koponan.
Sinalihan ng 27 koponan mula sa iba't ibang paaralan ang naturang workshop at quiz bee. Ang quiz bee ay binubuo ng dalawang bahagi. Ang unang bahagi ay ang elimination na nahahati sa tatlong kategorya: madali, katamtaman, mahirap. Napabilang ang UPIS MC team sa limang koponan na may pinakamataas na score na nakarating sa Final round.
Ang Tagisan ay isang taunang media-workshop seminar at quizbee na inoorganisa ng UP Broadcasters’ Guild. Ngayong taon, ang tema nito ay Tagisan 2019: Likha, Lathala, Laya. Nagpopokus ang seminar-workshop sa alternative media sa porma ng Original Pinoy Music (OPM), street theatre, street art, at poetry.
Ayon kay Tolosa, hindi niya inaasahan ang kanilang nakamit na posisyon dahil unang beses pa lamang nilang sumali sa ganitong klaseng patimpalak at isa pa ay hindi sila nagapaghanda nang masinsinan dahil sa kanilang huling minutong pagsali. Sa kabila nito, napagtagumpayan pa rin ng grupo ang kanilang mga balakid sa pamamagitan ng paghahati ng mga paksa na kailangan aralin.
Bukas ang taunang patimpalak na ito para sa lahat ng mag-aaral ng hayskul, mula grado 7 hanggang 12. //ni Angel Dizon
0 comments: