feature,
Feature: Kantaririt!
Ang pagkanta sa karaoke ay isa sa mga aktibidad na nakagawian nating mga Pilipino lalo na kapag kasama ang pamilya o ang ating mga kaibigan. Gaano man kataas ang tono at mapasintunado man ay tuloy pa rin sa pagkanta.
Ngunit minsan, sa dami ng mga kanta sa songbook, hindi pa rin tayo makapili ng magagandang kanta. Upang mapadali ang paghahanap, narito ang apat na kantang maaring pumatok sa inyo.
Tropa ng Siakol
Sa pamagat pa lamang ay mahuhulaan na kung tungkol saan ang kantang ito. Ang tunog ng musikang ito’y talagang nakakahead-bang dahil sa solo ng gitara at drums. Relatable rin para sa lahat ang lyrics na nagpapaalala sa pagkakaibigan na bagama't nagkaroon ng alitan ay nagkakaayos din at walang iwanan. Ang mga kaibigan ay malaking bahagi ng ating buhay. Ang mensaheng ito ang taglay ng kanta. Kaya’t subukan na ang kantang ito at simulan nating balikan ang dating mga tawanan at iyakan.
Dancing Queen ng ABBA
Unang pumatok ang kantang ito noong 80’s at 90’s. Ang Dancing Queen ay nagpapahayag ng kasiyahan ukol sa ating pagkabata. Sinasabi nga ng mga nakatatanda na sa adolescent stage ng ating buhay natuto, natutuklasan at nakikilala ang ating mga sarili. Ang masiglang tono rin nito ay talagang angkop sa lyrics. Talagang mapapasabay ka sa chorus.
In the End ng Linkin Park
Ang intro ng kantang ito ay bahagi ng larong counter-strike. Ang kanta ay may bahaging rap na susubok sa bilis ng iyong pagsasalita. Napabilang ito sa listahan dahil ang chorus nito ay talagang babalik-balikan ng mga tao dahil marahil sa napakaingay ngunit satisfying na tunog na nailalabas ang malulungkot mong saloobin. Nakamamanghang isipin na nagawa ng bokalista na iparating ang kanyang malungkot na mensahe na tila nagsasabing “Kahit na ba gawin ko ang aking buong makakaya, ay sa huli walang nababalewala.” Sa paraang isinisigaw na lamang niya ang kanyang mga hinanaing.
She Will Be Loved ng Maroon 5
Patok na patok pa rin hanggang ngayon ang kantang ito. Ang tunog nito’y kalmado lamang ngunit mataas ang mga notang kailangang abutin. Interesante ang naging paraan ng persona sa pagpapahayag ng kanyang nararamdaman sa babaeng tinutukoy sa awit. Ang chill vibes nito’y talaga nga namang nagbibigay goosebumps.
Mapapansin na matagal na ang mga kantang nasa listahan na ito, panahong hindi pa puro fully edited ang mga kanta at naa-appreciate natin ang magagandang boses ng mga bokalista. Napakinggan mo rin ba ito noon?
Natapos ang kanta’t nag-aabang ang iyong mga kaibigan sa makukuha mong iskor. Mababa. Kayo’y nagtawanan ngunit mahalaga’y nakaramdam ka ng saya mula sa pag-awit ng mga kantang tumatak sa iyong buhay. //ni Gabby Arevalo
0 comments: