filipino,
Literary: Ngiti
“Minamasdan kita nang hindi mo alam”
Panibagong sikat ng araw, panibagong pag-asa ngunit manantiling pareho ang iyong ngiti. Mula paggising hanggang sa pag-aasikaso ko papuntang simbahan, iisa lang ang nasa isip ko. Makikita ko na naman ang ngiti mo. Ngiti mo na nagiging dahilan ng pagsikat ng araw sa mundo ko kahit pa umuulan. Pagdating sa simbahan na sampung taon ko nang pinupuntahan, nakita kita, nakita ko ang napakatamis mong ngiti. Ilang minuto ang lumipas at lumapit ka sa mga instrumento at kinuha ang gitara mo para tumugtog, hindi ko mapigilan ang mga mata ko na mapatingin sa’yo at sa tuwing nagtatama ang ating mga mata, ako ang nauunang umiwas, minsan nama’y ikaw – ikaw na palagi kong pinagmamasdan.
“Pinapangarap kong ikaw ay akin…”
Hindi nagtagal, inanyayahan ang lahat na magdasal nang taimtim, binalot ng katahimikan ang lugar pero para akong nabibingi sa lakas ng kabog ng dibdib ko nang tumingin ako sa’yo. Lord, siya na lang po. Pinagdarasal ko na sana – kahit sana man lang – balang-araw, maging akin ka.
“Sa iyong ngiti, ako’y nahuhumaling…”
Pagkatapos ng misa, umupo ka malapit sa mga instrumento at kinuha ulit ang iyong gitara. Pinagmasdan kita habang kinakanta mo ang paborito kong kanta. At nang magtama ang ating mga mata ay ngumiti ako sa unang pagkakataon at ngumiti ka rin pabalik. Sa palagay ko, kulang pa ang salitang nahulog ako sa’yo. Nahumaling – nahumaling ako sa ganda ng iyong ngiti na hindi ko na magagawang alisin pa sa aking isipan.
“At sa tuwing ikaw ay gagalaw, ang mundo ko’y tumitigil para lang sa’yo…”
Napakaraming tao sa loob ng simbahan pero ikaw lang na naglalakad papalapit sa akin ang nakikita ko. Para akong kakapusin ng hininga at paulit-ulit na tinatanong kung ito na ba? Ito na ba ang pagkakataon para sabihin na nahulog ako sa mga ngiti mo. Ngiti na mistulang magandang panaginip na ayaw kong matapos dahil sa oras na matapos ito, natatakot ako na baka hindi ko na ulit ito makita. Handa na ba akong magising sa panaginip ng iyong ngiti? Hindi. Hindi pa ako handang aminin sa’yo dahil natatakot pa rin akong baka hindi naman pala tayo pareho ng nararamdaman. Baka ako lang pala ang nahulog o di kaya’y baka may iba ka nang nagugustuhan.
“Ang awit ng aking puso”
Tumayo ka sa aking harapan at tumingin sa mga mata ko. “Di ba mahilig kang makinig sa OPM? Gusto mong pumunta ng UP Fair? Tara.” Kahit ano pang tanong ‘yan, oo ang sagot ko basta kasama kita. Ikaw ang palaging awit ng puso ko.
“Sana’y mapansin mo rin”
UP Fair, sa kalagitnaan ng ingay habang pinapanood ang paborito nating banda, habang nakikipagsiksikan sa maraming tao at habang ang mga bituin ay patuloy na kumikinang, ngiti mo pa rin ang nagpaliwanag sa aking gabi. Sana. Ikaw ang palagi kong sana.
“Ang lihim kong pagtingin.”
Nilakasan ang loob, hinamon ang puso’t isipan, hinamak ang lahat para maalis lamang ang bara sa aking lalamunan. “Gusto kita.” Tumingin ka sa akin na para bang gulat na gulat. “Nahulog ako sa’yo. Nahulog ako sa mga ngiti mo na hindi limitado sa mundo, ngiti mong abot hanggang kalawakan at ngiti mong mas maliwanag pa sa mga tala ngayong gabi.” Ilang segundo muna ang lumipas bago ko muling nasilayan ang napakalawak mong ngiti at saka ka nagsalita,
“Sana napansin mo ang mga lihim kong pagtingin. Gusto din kita.”
0 comments: