english,
Literary (Submission): Ngiti (Part 2)
“Minamahal kita nang di mo alam”
Dalawang taon ang lumipas, parehong araw— UP fair, habang sumasabay sa tugtog ng musika ang ating mga puso, nakita kong parehong-pareho ang timpla ng lahat sa paligid bukod sa ngiti mo. Sa tingin ko, alam mo na ang mga sasabihin ko sa’yo, na ayaw ko na, na sawa na ako, kaya kahit na nakangiti ka ay lumuluha ang mga mata mo. Sa tingin ko, alam mo na—na sa linyang “minamahal kita nang di mo alam,” hindi na ikaw ang tinutukoy ko. Para bang umulit sa simula ang lahat, noong mga panahong ikaw pa ang gusto ko.
“Huwag ka sanang magagalit”
Patawad kung may bago na, patawad kung nahulog ako sa ngiti ng iba. Maniwala ka sa akin, naging masaya naman ako sa’yo ngunit parang hindi talaga tama na ikaw ang kapiling ko pero nasa iba ang puso ko. Hindi ko maipaliwanag kung bakit pero ramdam kong hindi tayo para sa isa’t isa. Akala ko kasi ikaw na, akala ko tayong dalawa na. Patawad kung noong nahulog ka at sinalo kita, di sinasadyang makabitaw din ako.
“Tinamaan yata talaga ang aking puso”
Hindi ko intensyon na saktan ka pero sa palagay ko, kung ipagpapatuloy natin kung anong mayroon sa ating dalawa, hindi lang ikaw ang niloko ko kundi pati sarili ko. Alam kong hindi na ikaw ang mahal ko. Nahulog ako sa ngiti mo pero sabi nga nila, kapag nagmahal ka, hindi kailangang may rason, at sa’yo, naghanap pa ako ng rason para mahalin ka – at ‘yun ay ang ngiti mo.
Hanggang panaginip na lang maitutuloy ang tayo dahil….
Sa ibang ngiti ako’y nahumaling, at sa tuwing ikaw ay lalapit, ang mundo ko’y hindi na tumitigil dahil ang pangalan mo’y hindi na sinisigaw ng puso, sana’y madama mo rin na hindi na sa’yo ang lihim kong pagtingin.
0 comments: