aldric de ocampo,
Tubig ang isa sa pinakaimportanteng bagay sa buhay ng tao. Ito ang bumubuo sa halos 60% ng ating katawan, at tatagal lamang ang isang indibidwal nang mga apat na araw hanggang isang linggo kung wala siyang tubig.
Opinion: Ang Tagas sa Liquid Ban
Photo Credit: Cyñl Tecson
Tubig ang isa sa pinakaimportanteng bagay sa buhay ng tao. Ito ang bumubuo sa halos 60% ng ating katawan, at tatagal lamang ang isang indibidwal nang mga apat na araw hanggang isang linggo kung wala siyang tubig.
Pero anong gagawin mo kung sakaling ipagbawal ang pagdadala nito sa isang pangunahing pampublikong transportasyon?
Noong Enero 31 sinimulang ipatupad ng mga train managements ang ban sa mga bottled liquids tulad ng tubig, pabango, alcohol, lotion, at marami pang iba sa loob ng mga istasyon ng tren sa National Capital Region (NCR).
Sakop nito ang Light Rail Transit (LRT) 1 at 2, Metro Rail Transit 3 (MRT 3), at Philippine National Railways. Alinsunod ito sa direktiba ng Philippine National Police (PNP) at National Capital Regional Police Office (NCRPO).
Nagbunga ng samu’t saring pambabatikos mula sa mga netizens ang nasabing liquid ban dahil sa abala na naidulot nito. Mayroon ding nagreklamo sa kakulangan ng pamantayan para sa mga ispesipikong likido na hindi pwedeng dalhin sa loob ng tren.
Ilan sa mga reklamo mula sa Twitter ay ang sumusunod:
“The LRT and MRT ADMIN should specify which liquids are prohibited. I travel with my contact lens solution A LOT and bring a bottle of perfume too. Also, lighters are not prohibited. I'd be fearful of anything that can cause fire more than anything liquid tbh.” mula sa tweet ni @thysz.
“Teh I just forcibly drank my water sa mrt station kasi bawal daw any liquid hahah :( Buti wala akong dalang pabango pero bakit. Brb drowning.” mula sa tweet ni @kairanano.
Dagdag dito, naging laman din ng balita ang isang Tsinong babae matapos niyang buhusan ng taho ang isang pulis sa istasyon ng MRT-3 dahil sa ban.
Naging depensa naman ng mga pamunuan ng mga istasyon na para raw ito sa seguridad at kaligtasan ng mga commuters. Tugon kasi ito sa isang terror attack na ikinasawi ng mahigit sa 20 tao sa isang katedral sa Jolo, Sulu noong Enero 27. Hindi tiyak ang partikular na materyal na bumuo sa mga bombang ginamit noon, pero alam ng pamahalaan na Improvised Explosive Devices (IED) ang mga ito.
Ayon kay NCRPO chief Director Guillermo Eleazar sa isang artikulo sa GMA News Online, “Meron kasing ibang mga liquid items na pwede itong mga chemicals na maaaring harmful sa ibang mga kasamahan natin para mag-cause ng harm sa iba.”
Ibig sabihin niya rito ay maaari kasing gawing liquid bomb ang kahit anong uri ng likido. Isa rin itong klase ng IED na maaaring maging panganib para sa publiko.
Kung tutuusin, maganda naman talaga ang kanilang dahilan para sa pag-iimplementa nito. Makikita na tunay nilang iniisip ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagiging sigurado.
Hindi lang iyon, naging maunawain din sila sa mga likidong ginagamit ng mga may sakit o mga sanggol para sa pag-aalalay sa kanilang mga pangangailangan, kaya pinayagan nila ito sa loob ng mga tren.
Pero kailangan bang pati ang mga pangkaraniwang likido na ginagamit ng mga tao sa buhay ay ipagbawal sa tren?
Kasabay rin kasi ng ban na ito ang mas pinaigting na seguridad sa mga pila ng istasyon. Kung gayon, hindi ba dapat mas madali nilang masusuri ang mga likido kung tunay bang delikado ito?
Pwede naman silang bigyan ng sapat at angkop na kagamitan para sa pag-eeksamen ng kemikal upang mapabilis ang pag-vavalidate sa mga likido. Pero bakit pagpapainom o pagpapagamit lang ng mga likido sa mga commuter ang naging pang-check nila? Hindi ba ito pagkukulang sa kanilang bahagi?
Bukod pa rito, malaking sagabal din kasi sa pang-araw-araw na buhay ng mga commuters ang ban. Madalas na nagdadala ng mga likido ang mga tao kung saan-saan dahil kailangan nila ito sa kanilang mga pangkaraniwang gawain o kaya'y para sa mga emergency.
Halimbawa na lang ay isang estudyanteng nagdadala ng tubig sa paaralan. Kailangan niya ito sapagkat mas mahal kung bibili pa siya sa kanilang canteen. Pero kung kukumpiskahin o pipilitin niyang ubusin ito bago makasakay ng tren, hindi ba't nawawala ang saysay ng kanyang pagbabaon ng tubig? Ito ay isang butas na nakaligtaan nila sa ban na ipinatupad.
Bilang tugon, tinanggal na muna ng management ng MRT-3 ang kanilang ban sa bottled water at iba pang liquid items noong Pebrero 21, pero kailangan pa ring subukan ng mga commuters ang mga produktong dala nila sa harap ng MRT security personnel para payagan ito. Dagdag pa rito, pansamantala ring inalis ang ban sa LRT-2 habang nanatili ito sa LRT-1.
Sa ngayon, mabuting ganito ang naging pasiya nila sapagkat kailangan pang marepaso ang ban na inimplementa. Kaysa mapanatili ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan sa NCR, mas naging sagabal lang ito sa kanilang pamumuhay.
Kung nais ng pamahalaang mapangalagaan talaga ang mga mamamayan mula sa banta ng panganib, dapat kasabay rin na hindi mahadlangan ang pamamalagi ng mga mamamayan mismo sa kanilang pamumuhay. Taliwas sa pagpapahalaga nila ito kung sila rin ang nakakasagabal sa magandang pamamalakad ng sistema.
Kung nais nilang ipatupad muli ang ban na ito sa mga tren, dapat maging komprehensibo at epektibo muna ito para sa susunod na pagkakataon. //nina Cedric Creer at Aldric de Ocampo
0 comments: