aldric de ocampo,

Opinion: Pelikula lang ba, o may Pulitika?

2/13/2019 08:15:00 PM Media Center 0 Comments



Photo credit: Ria Estilon

Napanood niyo na ba 'yung “BATO The Movie: The General Ronald Dela Rosa Story”? Hindi? Mabuti.

Kung hindi niyo pa alam, tungkol ito sa buhay ng dating pinuno ng Philippine National Police (PNP) sa pagganap ni Robin Padilla.

Masasabing pumalpak sa sinehan ang pelikula dulot ng iilan lamang ang bumili ng tiket para mapanood ito. Marami kasing nagbalak na magboykot sa panonood noong ina-advertise pa lang ito. Makikita ang resulta ng boykot sa mga post sa Twitter kung saan may mga larawan ng mga reserbadong upuan sa iba't ibang sinehan ng mga mall sa Pilipinas na halos walang laman.

Pero ano ba talaga ang nangyari dito sa pelikula na dahilan para maging kontrobersyal at hindi kanood-nood ito para sa karamihan, hanggang sa umabot ito sa pagboboykot?

Una sa lahat, ang bida sa pelikula ay isa sa mga kilalang tao ngayon sa larangan ng pulitika na kaalyado ng partido ng kasalukuyang administrasyon. Mahalaga rin ang naging papel niya sa operasyong “Oplan Tokhang” noong 2016, na naiugnay sa mga kaso ng “Extrajudicial Killings” o “EJK” dito sa Pilipinas.

Dahil sa kinasangkutang isyu, hindi maiiwasang mapansin ng madla ang kanyang paglitaw sa isang uri ng midya, partikular sa isang pelikulang “biopic.” Dito pa lang, hindi kataka-takang magdudulot ang konteksto nito ng samu't saring reaksyon mula sa kanila.

Likas na nakaaakit ng atensyon sa publiko ang midya, positibo man o negatibo. Dulot ng kanyang reputasyon, mabilis na kumakalat ang publicity para sa pelikulang ito. Ngunit ang imahe ng bida ay pahapyaw pa lamang na aspeto ng pagkilatis sa mas malalim na usaping kinapapalooban nito.

Ang mas mahalagang punto na kailangang suriin sa pelikula ay ang motibo para sa pagpapalabas nito. Maaaring tingnan ang panahon kung kailan ito sinimulang ipalabas sa mga sinehan, noong Enero 30, 2019.

Malaking bagay ito sapagkat nalalapit na ang senatorial elections na gaganapin sa Mayo, apat na buwan mula sa nasabing petsa. Dahil kandidato si Dela Rosa para sa eleksyong ito, madali lang makita ang bahid ng adyendang pulitikal sa pelikula.

Bukod pa rito, ang pelikulang “Liway,” na tungkol sa panahon ng Batas Militar noon at mayroon ding mas mataas na kita kaysa sa “BATO The Movie”, ay nabawasan ng mga slot sa sinehan at naurong sa hapon para maipalabas, habang ang pelikulang ito naman ay nadagdagan mga slot at buong araw ding ipinalabas.

Lumilitaw rito ang kaduda-dudang atensyon na binigay sa partikular na pelikulang ito na pumupunto rin sa pagkakapasok ng pulitika nito sa sinehan.

Aminado mismo si Dela Rosa na maaaring makatulong ito sa kanyang pangangampanya para sa pwesto sa senado. Ayon nga sa sinabi niya sa isang press conference para sa pelikula, “Prangkahin natin – itong pelikula [na ito], napakalaking [tulong na] mag prop-up sa aking pagkatakbo na senador.”

Dito pa lang ay direkta nang makikita ang bahid ng “premature campaigning” o maagang pangangampanya sa motibo ng pagpapalabas ng pelikula.

Sa kasalukuyan, hindi naman ilegal ang pangangampanya nang maaga sapagkat nakatala sa Automated Election Law o RA 8436 sa pagkakasusog ng RA 9369 na ang isang kandidato ay makagagawa lamang ng election offense kapag panahon na ng pangangampanya. Ibig sabihin nito ay walang malalabag na batas kaugnay ng eleksyon ang sinumang kandidato kapag hindi pa panahon ng pangangampanya.

Hindi lang iyon, maaari pa nilang maiwasan ang label na “nangangampanya” sila sa pamamagitan ng hindi direktang paglalagay ng salita o mga salitang malapit sa “iboto” sa mga materyal na may kaugnayan sa kanila.

Sa katunayan, hindi lang naman si Dela Rosa ang nakagamit nitong butas sa batas para sa pansariling layunin. Marami pang ibang mga pulitiko ang nauna sa kanya sa pagsasagawa ng premature campaigning.

Ilan sa mga naging pamamaraan ay ang pagpapalabas ng kwento ng buhay nila sa isang MMK (Maalala Mo Kaya) episode, pagtatampok ng adbokasiya nila sa isang patalastas o advertisement sa telebisyon, pagsulpot sa mga motorcade o piyesta sa iba't ibang bayan, o kaya nama'y ang pagpapaskil ng mga mukha nila sa iba't ibang lugar sa mga siyudad.

Ang problema rin kasi sa maagang pangangampanya ay may pagkamadaya ito. Kumbaga ang mga pulitikong gumagawa nito ay nagkakaroon ng paunang kilos o “headstart” sa pagkuha ng suporta mula sa mga tao sa halip na magkaroon ng sabay na pag-usad at patas na laban sa pagitan nilang mga kandidato. Ang mga mas mayayaman at nakaupo na dati sa pwesto ay mayroon ding bentahe laban sa mga mahihirap o baguhan lamang sa kompetisyon. Dahil dito, nanganganib ang pagpapanatili ng demokrasya para sa patas na eleksyon.

Kung tutuusin, may kalayaan naman din dapat ang mga pulitiko sa pagpapahayag ng kanilang mga pulitikal na adhikain. Ang dahilang ito ang pumipigil sa pagpapalit ng mga probisyon o depinisyon sa batas na maaaring makalutas sa butas ng premature campaigning.

Gayunpaman, dapat maging masusi ang mga mamamayan sa pagsusuri at pagkikilatis ng mga pulitikal na materyal sa kanilang paligid. Ang mga pakubling mensahe na maaari nating mapulot mula sa isang simpleng pelikula tulad nito ay mabuting makilala at maintindihan nang maigi upang maging malay tayo sa mga nangyayari nang palihim sa ating lipunan.

Huwag tayong magpapadala sa maduming pamamaraan ng ibang mga kandidato upang makakuha ng suporta para sa pagboto.

Sa halip, kilalanin natin ang mga taong ito nang sa gayon ay magkaroon tayo ng sapat na kaalaman ukol sa kanilang kakayahan at kanilang pagkamapagkakatiwalaan upang mapanatili ang demokrasya at kalayaan sa ating bansa. //ni Aldric de Ocampo

You Might Also Like

0 comments: